SA halip na Address to the Nation o pakikipag-usap sa sambayanang Pilipino ang ginawa ni President Rodrigo Roa Duterte noong Martes, isang “tete-a-tete” ang naganap sa pagitan nila ni Presidential Chief Counsel Salvador Panelo.
Sa pag-uusap ng dalawa, sumentro ang kanilang paksa sa maraming bagay na ang pinakatampok ay tungkol sa bigas, inflation at Proclamation 572, na nagpapawalang-saysay sa amnesty na iginawad kay Sen. Antonio Trillanes IV ni ex-Pres. Noynoy Aquino noong 2011.
Tiningnan ko sa Wikipedia ang kahulugan ng “tete-a-tete” (isang French term) at ganito ang ibinigay sa akin: “A private conversation or interview, usually between two people.” Korek, pag-uusap ng dalawang tao, nina PRRD at Panelo, at hindi isang Address to the Nation na ipinahiwatig noong Lunes ni presidential spokesman Harry Roque. Ayon sa balita, pinagbawalan ang Malacañang reporters na i-cover ang “tete-a-tete”. Isang mapagbirong kaibigan ang nag-pm sa akin: “Paano raw kaya bibigkasin ng taga-Visayas ang “tete-a-tete”? Anak ka ng “teteng” my friend!
Sa headline ng BALITA noong Martes, ganito ang nakasaad: “Bigo sa TRO”. Ibig sabihin, tinanggihan ng Supreme Court na ang Chief Justice ay si Teresita Leonardo-de Castro, ang kahilingan ni Trillanes na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang SC upang hindi ipatupad ang Proclamation 572 na nagpapawalang-saysay (ab initio) sa amnesty na iginawad sa senador.
Halos kasabay ng balitang ito, ibinasura rin ng House committee on justice ang impeachment complaint na inihain sa Kamara laban kay De Castro at anim pang mahistrado ng grupo ni Albay Rep. Edcel Lagman.
Isinabay rin ang iba pang malalaking balita, tulad ng pag-aalis sa administrador ng National Food Authority (NFA) na si Jason Aquino, ang pagdating ng malakas na bagyong Ompong upang marahil ay “matuliro” ang taumbayan at mailigaw ang kanilang pansin sa problema sa ekonomiya, krisis sa bigas, mataas na inflation, kahirapan, kagutuman, pagsikad ng populasyon ng Pilipinas at kawalan ng trabaho.
Gayunman, matatag si PDu30 sa pagsisikap na mabigyan ng kaginhawahan ang mga Pinoy, malutas ang isyu sa bigas, maisulong ang kapayapaan sa Mindanao at mapag-isa ang mga mamamayan para maisulong ang kaunlaran, kapayapaan at pagkakaisa para sa bayan. Suportahan natin siya sa mga hakbanging ito.
Isang mambabatas ang nagpahayag na bunsod ng inflation o pagtaas sa presyo ng bilihin at serbisyo, may 4.6 milyong Pinoy ang nadagdag sa hanay ng mahihirap. Ito ang sinabi ni Marikina Rep. Romero Quimbo. Binanggit niya ang pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) na sa kasagsaan ng krisis sa pananalapi noong 2008, may 2.8 milyong Pinoy ang nagiging mahirap sa bawat 10 percent increase sa presyo ng pagkain, gaya ng bigas, galunggong at gulay.
Sinabi ni Sen. Ralph Recto na hindi kailangan ang pagpapalit ng rehimen o gobyerno. Ang dapat daw gawin ng Duterte administration ngayon ay i-focus ang atensiyon sa mga prioridad na dapat aksiyunan upang maiahon ang mga mamamayan sa kahirapan. Sabi ni Recto, dapat matuto ang PRRD admin na harapin ang mga kritisismo upang matulungan ang pamahalaan na magpasilbihan ang mga tao. Sa ibang salita: Huwag mapikon sa mga batikos.
Ayon sa ginoo ni Batangas Rep. Vilma Santos, dapat daw suportahan ang ating Pangulo at hayaang
matapos ang termino hanggang 2022, sapagkat siya ang inihalal ng mga Pilipino nang “fair and square.” Kaya ngayong Oktubre, iwasan na sana ito ng tatlong grupo na ayon kay PRRD ay nagpaplanong patalsikin siya sa puwesto, ang Liberal Party (o Dilawan), pangkat ni Trillanes (o ng Magdalo), at ng kilusan ni Joma Sison, ang CPP-NPA.
-Bert de Guzman