BUNSOD ng bantang panganib ng paparating na “Super typhoon Ompong” napagdesisyunan nina Philippine Sports Commission Chairman Butch Ramirez at Baguio City Mayor Atty. Mauricio Domogan, na wala nang magaganap na opening ceremonies para sa pagtatanghal ng Batang Pinoy National Finals na nakatakdang maganap sa Sept. 15-21 sa Baguio City at karatig na lalawigan ng Benguet.

Ang mga nasabing lalawigan ang bahagi ng Northern Luzon na kasama sa madadaanan ng bagyo na inaasahang papasok sa bansa Huwebes ng umaga.

Napagdesisyunan na ituloy na lamang ang labanan sa Setyembre 17 upang maiwasan ang aberya at matuloy ang torneo.

Kapuwa nakatutok sina chairman Ramirez at ang Pamahalaang Panglunsod ng Baguio sa magiging lagay ng panahon ngayong darating na weekend.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Siniguro ng dalawang opisyales na uunahin nila ang seguridad ng mga atleta at mga delegasyon na lalahok sa nasabing National finals ng multi sports event project ng PSC.

“This adjustment will allow teams to let the storm pass and be in Baguio by September 16,” pahayag ni Domogan na hiningi din ang payo ng Risk Reduction and Management team at ng PSC secretariat.

Pansamantalang patutuluyin ng PSC ang mga delegasyon sa Rizal Memorial Sports Complex at sa Philsports Complex sa Pasig City bago tumungo ng Baguio.

Ayon kay Ramirez, may delegasyon na nagpaplanong umatras sa nasabing kompetisyon dahil sa paparating na bagyo, ngunit nauunawaan naman umano ito ng PSC.

“We received information that there are some delegations considering to pull out because of the storm. We understand their concern, “ani Ramirez.

Bagama’t wala nang opening ceremonies, siniguro naman ng PSC na isang magarbong closing ceremoy ang itatanghal para dito.

Dahil dito, napag aralan ng PSC na huwag nang itanghal sa buwan ng Hulyo hanggang Oktubre ang ibang multi sports event gaya ng Philippine National Games (PNG) at Palarong Pambansa upang makaiwas sa aberya na duklot ng masamang panahon.

Kabuuang 7000 atleta, coachesm officials at supporting personnel ang inasahang makikiisa sa Batang Pinoy.

-Annie Abad