Nakatakdang subukin ng Department of Transportation (DoTr) ang mga tren ng Dalian sa Metro Rail Transit (MRT-3) para gamitin ng commuter.

Inihayag ito ng mga opisyal nitong Martes sa pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa panukalang P76-bilyong budget ng ahensiya para sa 2019.

Sinabi ni DoTr Secretary Arthur Tugade sa mga senador na ang sets ng Dalian train ay ipapasok sa MRT-3 system para sa provisional revenue service bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na magamit ang mga nakatambak na tren.

Sinabi ni Undersecretary for Railways TJ Batan na ang deployment ng mga hindi nagamit na tren ay kasunod ng independent audit ng TUV Rheiland, na nakita ang “issues” na kailangang tugunan ng Chinese manufacturer nito na Dalian Company Limited.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno na sa testing, nilalayon nilang malaman kung ligtas para sa commuters ang Chinese-supplied trains.

“Ang gagawin namin doon, maglalagay lang kami ng cameras doon, we measure ano yong hazard na ‘yon and then we will tabulate it. We will measure then babalik sa Dalian, ‘paki-rectify nito’,” ani Magno.

Ayon kay Batan, isasagawa ang simulation sa labas ng revenue hours, mula 5:30 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi. Kalaunan ay isasabak ang Dalian trains sa revenue service. Tiniyak niyang hindi makakaabala ang testing sa operasyon ng MRT-3.

Kapag natugunan na ang mga isyu, sinabi ni Batan na unti-unti nilang idadagdag ang Dalian trains sa MRT-3 system. Sinabi niya sa mga senador na ang overhauling ng mga lumang MRT-3 coaches ay aabutin ng 43 buwan.

-Vanne Elaine P. Terrazola