NAGUGUNITA ko si dating Assemblyman Homobono Adaza. Siya ang matining na boses ng oposisyon noong ‘martial law’, na kasapi ng UNIDO (United Nationalist Democratic Organization) sa pangunguna ni Salvador “Doy” Laurel.
Nagtayo si Manong Bono ng regional party, ang Mindanao Alliance. Naging tinik sa tagiliran ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) noon si Adaza. Ilang beses ko siyang nakapanayam sa telebisyon, (Republika, Martes 8pm sa Channel 8 Destiny at Ch. 213 Sky Cable) at kahit mahigit isang dekada na ang nakalipas ay hindi ko makaligtaan ang isang tanong ko sa kanya. “Manong Bono, ano ang tumpak na paninindigan sa isyu ng Mindanao kung ang magiging banta o resulta ng Moro-landia, ay pag-aklas nito sa teritoryo ng Pilipinas?”Ang sagot niya – “Sa ganoong mga kaganapan, hindi lang ang Mindanao ang dapat makialam, bagkus buong republika ang kailangan manghimasok upang pigilan ang pagdausdos sa pagkakawatak-watak ng ating teritoryo”.
Kasalukuyang itinakda ng Comelec ang plebisito para sa BOL (Bangsamoro Organic Law) sa Enero 21, 2019 alinsunod sa Republic Act 11054. Layunin ng BOL ang tuldukan (sana) ang ilang henerasyon ng sigalot sa Katimugang Mindanao, nang ibasura ang ARMM ng Bangsamoro Government. Batid ng mga giliw kong tagasunod, ang batas sa BOL ay maaaring sampahan ng kaso sa Supreme Court dahil nilabag ng kasalukuyang Kongreso ang pag-aalis ng ARMM.
Dati ko pa ibinulgar na ayon sa Artikulo X Seksyon 19, tanging ang “Unang Kongreso” lamang “sa loob ng labing-walong buwan simula ng pagkakatatag…sa mga rehiyong autonomous sa Muslim Mindanao” ang maaaring magpasa nito.” Puwedeng amyendahan ang batas ng ARMM subalit hindi puwedeng gawing Bangsamoro Government. May iba pang dagdag na paglabag ang BOL. Dito ay ginawang Prime Minister imbes na gobernador ang pinuno, parliamentary ang porma ng pamhalaan, at iba pa. Tiyak at sigurado ako na hindi matutuldukan ang gulo sa Katimugang Mindanao dahil mali ang pagkakaunawa sa totoong problema doon. Malaysia at Sabah ang puno’t dulo sa giyera. Tanging Moro Islamic Liberation Front (MILF) lang ang kasama sa minadaling proseso at nabiyayaan. Iniwan sa kangkungan ang Moro National Liberation Front (MNLF) ni Misuari na kinikilala ng Organization of Islamic Conference ng mundo.
-Erik Espina