Sinabi kahapon ng spokesman ng Armed Forces of the Philippines- Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na bineberepika pa rin nila ang ulat ng pandudukot sa dalawang Indonesian na sakay ng isang bangkang pangisda sa Sabah, Malaysia.

Iniulat na ang mga biktim ay tinangay ng mga hindi pa rin nakikilalang kidnappers patungong Sulu ngunit ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, magulo pa ang impormasyon at kailangan pa nilang makasiguro.

Batay sa mga ulat, dalawang hindi nakilalang armadong lalaki na sakay ng isang maliit na pump boat ang umakyat sa fishing vessel at nagsagawa ng pagdukot.

“May information kami kaya lang sketchy hindi na validate nasa labas kasi natin hindi naman natin area,” ani Besana.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Aniya hinihintay pa nila ang update mula sa Task Force IndoMalPhi (Indonesia, Malaysia, Philippines) sa Tawi-Tawi at sa Naval Forces Western Mindanao (NavForWest) kung totoo nga ang kidnapping.

“(Tayo ay) on alert. Hindi pa validated ‘yung report (at) itinawag lang eh,” aniya.

Hindi naniniwala si Besana na Abu Sayyaf Group ang may kagagawan nito.

“Hindi lang naman ang ASG puwede mangidnap, may mga pirata saka...na hindi Pilipino ‘di ba?” ani Besana. “So we are waiting for validation and more detailed information on what really happened,” aniya pa.

-Francis T. Wakefield