Nakikilahok ang mga espeyalista mula sa ilang bansa sa Asia, kabilang ang Pilipinas, sa tatlong araw na emergency meeting sa Bangkok para suriin ang outbreak ng African Swine Fever (ASF) na tumama sa China sa gitna ng mga pangamba na maaari itong kumalat sa iba pang bahagi ng rehiyon. 

Inorganisa ng Food and Agriculture Administration of the United Nations (FAO), dumalo sa emergency meeting na nagsimula kahapon sa Bangkok ang veterinary epidemiologists, laboratory experts, gayundin ang iba pang senior technical staff na direktang sangkot sa regulatory aspects ng disease prevention at control planning mula sa siyam na bansa na malapit sa China, at itinuturing na nanganganib sa transboundary spread ng ASF.

Ang mga partisipante ay nagmula sa Pilipinas, Cambodia, China, Japan, Lao PDR, Mongolia, Myanmar, Republic of Korea, Thailand, at Viet Nam. Sasamahan sila ng mga eksperto mula sa labas ng rehiyon gayundin ng mga kalahok mula sa private commercial swine sector.

Nadiskubre ang virus sa hilagang silangan ng China nitong Agosto. Simula noon, lima pang kaso ang naiulat sa ibang bahagi ng bansa. Para makontrol ang pagkalat nito, umabot na sa 40,000 baboy ang pinatay ng mga awtoridad, ayon sa FAO.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Hindi direktang mapanganib sa kalusugan ng tao ang virus, ngunit ayon sa FAO ang pagkalat nito ay maaaring makapinsala sa populasyon ng mga baboy. Sa pinakamabagsik nitong uri, 100 porsiyentong nakamamatay ang ASF sa hayop na kinapitan ng virus.

-Roy C. Mabasa