TOKYO (Reuters, AP) – Sampung katao ang namatay sa paghagupit ng malakas na bagyo sa kanluran ng Japan at sinimulan ng airport company ang paglilipat sa may 3,000 stranded na pasahero sakay ng bangka mula sa binabahang paliparan, sinabi ng gobyerno kahapon, habang mahigit isang milyong kabahayan ang walang kuryente.

Ang ‘Jebi’ o “swallow” sa Korean, ay isang super typhoon at pinakamalakas na bagyong tumama sa Japan sa loob ng 25 taon. Sinundan nito ang malalakas na ulan, landslide, pagbaha, record-breaking na init na ikinamatay ng daan-daan katao nitong summer.

Habang tumatawid pa-hilaga nitong Martes, nilaslas ng bagyong ‘Jebi’ ang mid-section ng main island ng Japan; tinuklap ang bubungan ng mga gusali, itinumba ang mga poste at binaha ang paliparan na nagsisilbi sa Osaka, isa sa pinakamalaking lungsod ng bansa.

Halos 3,000 turista ang magdamag na nanatili sa Kansai International Airport sa kanluran ng Japan, isang mahalagang hub para sa mga kumpanyang Japanese na nagluluwas ng semiconductors. Ipinakita sa telebisyon ang mga tao na pumipila para bumili ng pagkain at inumin sa isang convenience store sa paliparan.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Kahapon ng umaga, sinimulan na ng mga opisyal ang paglilikas sa mga stranded na pasahero patungo sa katabing Kobe airport sakay ng high-speed boats at mga bus.

Sinabi ni Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga na 300 katao ang nasugatan. Hindi pa malinaw kung kailan muling magbubukas ang paliparan at sarado pa rin ang ilang kalsada at linya ng tren sa mga apektadong lugar, aniya.

Halos 1.2 milyong kabahayan ang walang kuryente.

Humina na ang ‘Jebi’ at naging tropical storm na lamang ito habang tinutumbok ang hilaga ng Japan.