TATLONG makabuluhang isyu na kumukulo hanggang ngayon—mga isyu na natitiyak kong magpapabuti at magpapasama hindi lamang sa pamumuhay ng sambayanan kundi maging sa kapalarang pampulitika ng mga
naghahangad maglingkod sa bayan. Kabilang sa mga ito ang matinding problema sa bigas, ipinagbabawal na droga at illegal gambling. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang paglutas sa naturang mga isyu na maituturing na mga political commodities.
Ang rice issue, halimbawa, ay hindi lamang hinggil sa sinasabing talamak na bukbok sa bigas na pinagpipistahan ng ilang sektor, lalo na ng mga kritiko ng administrasyon. Masyado ring nakababahala ang kakapusan ng bigas—problema na lalo namang pinabibigat ng mga palalong rice smugglers.
Nakadidismaya na sa isang balintunaang reaksiyon, nais ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na gawing legal ang pagpupuslit ng bigas. Mabuti na lamang at bago umalis si Pangulong Duterte para sa state visit sa Israel, tahasan niyang tinutulan ang naturang plano. Naniniwala ako sa kanyang paninindigan na makapipinsala sa ekonomiya ang rice smuggling.
Sa halip, halos manggalaiting iniutos ng Pangulo ang paglipol sa rice hoarders na salot sa kabuhayan ng bansa. Kung may matitigas ang ulo sa naturang grupo ng mga mapagsamantala, hindi siya mag-aatubiling gamitin ang kapangyarihan ng kanyang tanggapan. Ibig sabihin, iuutos niya sa pulisya at militar na halughugin ang mga bodega ng naturang malalaking negosyante upang ilabas ang iniimbak nilang bigas para ipagbili, marahil, sa halagang makakayanan ng mga mamamayan, lalo na ng mga maralita.
Isa ring makatuturang isyu ang paglutas sa ‘tila hindi maubus-ubos na illegal drugs sa mga komunidad. Sa kabila ito ng katotohanan na marami nang nauutas na users, pushers, at drug lords kaugnay ng Oplan Tokhang. Malimit na humantong sa malagim na wakas ang naturang operasyon dahil umano sa panlalaban ng mga sugapa sa bawal na gamot.
Masyadong mainit din ang isyu tungkol sa hindi masugpu-sugpong illegal gambling. Hanggang ngayon, naglipana pa rin ang lihim na operasyon ng jueteng na maliwanag na pinakikilos ng mga gambling lords.
Ang paglutas at pagsugpo sa nabanggit na mga isyu—na itinuturing na mga political commodities—ay marapat pangatawanan ng administrasyon. Ang kawalan ng positibong aksiyon sa gayong mga problema ay nakapagpapalubha sa kahirapan ng taumbayan; at, higit sa lahat, maaari itong mangahulugan ng pagkabigong maihalal ang mga kandidato ng administrasyon.
-Celo Lagmay