HINDI ko ipinagtataka ang pag-atake at paggiba ng oposisyon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) lalo pa’t kabi-kabila ang naging palpak nito. Natural lang ang ganitong kalakaran sa takbo ng mainit na pulitika sa ating bansa na kapag nakakita ng butas sa kanilang kalaban, ito agad ang walang patumanggang niraratrat.
Ngunit sa naririnig kong pagbakbak sa pamunuan ng PCOO, na naka-sentro mismo sa liderato ni Secretary Martin Andanar, na nanggagaling, eh saan pa nga ba, kundi sa mismong mga “kaalyado” nito, sa administrasyong ito -- aba’y iba na itong usapan!
Ang dulo nang matatawag nating “in fighting” na ito sa loob mismo ng “kuwadra” ng mga bata ng palasyo ay lalo lamang nakadaragdag sa masamang imaheng kasalukuyang naipipinta sa administrasyong ito dahil sa magkakasunod na mga problemang dumaratal sa bansa.
Sabi nga ng isang retiradong dating opisyal sa gobyerno na nakahuntahan ko: “Ang lahat ng alingasngas na ibinabato sa isa’t isa ng mga tauhan ng administrasyong ito ay sa mukha ng kanilang mahal na Pangulo tumatama!”
At ito ang siste, kaya pala pilit na niyuyugyog nang todo ang PCOO ng mga taong naturingang kakampi rin ni Pangulong Duterte -- na sa pakiramdam ko’y mga “ginigiyang” na makaupo sa matataas na puwesto – ay upang tuluyan nang masibak si Andanar at makuha nila ang pinamumunuan nitong opisina na may bilyones na pondo na sa “fiscal year” na papasok.
Nagbabakasakali lang naman daw ang grupong ito – na ayon na rin sa ilang kaibigan natin sa palasyo na mga dating kasamahan ko sa industriya -- ay mga “Johnny come lately” supporter ni Digong na dati ring mga aktibong taga-mainstream media na biglang nawala sa sirkulasyon, at nang lumitaw ay “rah-rah boys” na ng mga grupong taga-Davao!
Kuwento pa nga ng isang ka-tropa ni Andanar, todo raw talagang magmonitor ang grupong ito, na may itinalaga pang mga sariling tauhan para bantayan lang ang mga pagkakamali ng PCOO at ibando agad ito sa social media, para madampot naman ng mga kritiko ng administrasyong ito na mga nasa oposisyon.
Ang project --- palutangin ng grupong ito ang akusasyon ng pagiging “incompetent” ni Andanar, bilang isa sa mga tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang gusto raw nilang ipalit ay ang dating TV personality at news anchor na si Jay Sonza.
Kung pinagsasabong lang sina Andanar at Sonza ay wala akong masasabi. Ngunit sa tanong na may mararating kaya ang “hate campaign” ng grupong ito laban kay Andanar? Malinaw ang naging sagot dito ni SAP Bong GO – na walang anumang pagpapalit na magaganap sa liderato ng PCOO, period!
Bigla ko tuloy naalala ang mga salitang ito mula sa isang Human Management Resource expert na si Tony Morgan, na paulit-ulit ipinaalala sa amin sa isang team building na aking dinaluhan: “Workplace bullying--in any form--is bad for business. It destroys teamwork, commitment and morale.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.