Ni Leonel M. Abasola

Pinaalalahanan ni Senator Risa Hontiveros si Pangulong Duterte na hindi tamang isisi sa kababaihan ang pagdami ng mga kaso ng panggagahasa.

Ayon kay Hontiveros, hindi batayan ng kagandahan ang dami ng mga babaeng nabibiktima ng panggagahasa.

“Rape is not a measure of beauty. It is not an act of admiration. It is the vilest form of violence against women. I ask President Rodrigo Duterte: is this how men admire women? President Duterte should stop blaming women and how we look and dress for the growing number of rape cases. Beauty doesn’t cause rape, rapists do. Rape is the fault of the rapist,” ani Hontiveros.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nitong nakaraang linggo, nagbiro si Pangulong Duterte na kaya maraming kaso ng rape sa Davao City dahil maraming magagandang babae sa siyudad.

Umani ng batikos ang panibagong rape joke na ito ng Pangulo, na ilang beses nang tinuligsa sa mga biro niya tungkol sa panggagahasa at sa kababaihan.

Kasabay nito, pinuro ni Senator Leila M. de Lima ang mga bumubuo ng #EveryWoman sa unang anibersaryo nito sa paglaban sa mga polisiya ni Pangulong Duterte na sinasabing laban sa kababaihan.

“Sa pagdiriwang ng inyong unang anibersaryo, kasama ang mga kapwa ko ina, babae, at Pilipinang kontra sa mga kabastusan, punung-puno na sa mga kasinungalingan, at totoong lumalaban sa lahat ng uri ng paglabag sa ating mga karapatan, maraming maraming salamat sa pagsisikap at makabuluhang programa ng #EveryWoman para iangat at ipagtanggol ang mga naisasantabi sa ating lipunan,” ani de Lima.