Ni VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Pinangalanan na ng partido Demokratiko ng Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang walong personalidad na maaaring mapabilang sa line-up ng partido para sa 2019 senatorial race.

Ipinahayag ang walong pangalan sa ginanap na assembly ng pinuno ng PDP-Laban sa Pasay City nitong Biyernes ng gabi, na dinaluhan ni Pangulong Duterte, na chairman ng partido.

Una nang inanunsiyo ng partido ang 24 na pangalan na pinagpipilian para sa mga posibleng kandidato sa Senado. Naging 22 lamang ang bilang, matapos tumanggi ang dalawang lumaban sa posisyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Senator Aquilino Pimentel III, pangulo ng PDP-Laban, ang kanilang mga pinili ay “very possible [candidates]” ng partido para sa Mayo 2019, midterm elections.

Aniya, ang mga taong ito ay nagpahiwatig na ng planong pag-upo sa Upper Chamber.

“YES, they are all interested to run for senator!” pagkumpirma ni Pimentel, na nagnanais makapaglingkod sa ikatlong termino sa Senado, nitong Sabado.

Bukod kay Pimentel, kabilang din sa inisyal na listahan si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, na una nang itinanggi ang kanyang pagtakbo bilang senador sa natakdang halalan sa kabila ng madalas na pagdalo sa mga pagdiriwang at paglipana ng mga poster na kumakampanya sa kanya.

Kabilang din sa mga posibleng pambato si Presidential Spokesperson Harry Roque, na tulad ni Go ay hindi pa kinukumpirma ang kanyang Senate bid.

Ilang miyembro ng kamara ang kabilang sa mga nabanggit, kasama sina Davao City Representative Karlo Nograles, Makati City Rep. Monsour del Rosario, Quirino Rep. Dakila Cua, at Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu.

Pasok din sa inisyal na listahan si dating MMDA chairman at ngayo’y Presidential Political Adviser Francis Tolentino.

Sinuguro naman umano ni Pangulong Duterte ang suporta para sa mga kandidato ng partido “for as long as [they are] honest, principled, service-oriented, competent,” ayon kay Pimentel.

Naging konsderasyon din ng Pangulo ang kanilang suporta para sa isinusulong na pederalismo.

Sa apat na natitirang puwesto para sa posibleng line-up ng PDP-Laban, mapapansing hindi kabilang sa listahan ang mga re-electionist na sina Sens. Sonny Angara, Nancy Binay, Joseph Victor Ejercito, Grace Poe, at Cynthia Villar.

Una nang siniguro ni Pimentel ang pag-eendorso ng partido para sa mayorya ng mga senador na naging masugid na tagasulong ng mga programa ng administrasyon.