MAY panahon noon na ang tanging alternatibo sa mga pribadong sasakyan ay ang mga pampublikong sistema ng transportasyon tulad ng mga bus, jeep, tren, at taxi. At dumating nga ang panahon ng Transport Network Vehicle Services (TNVS). Sa halip na humanap ng taxi o tumawag sa isang kumpanya nito, maaari na ngayon makapagreserba ng sakay sa online sa pamamagitan ng mga ride-hailing apps.
Matapos isuko ng Uber ang negosyo nito sa Pilipinas, sinamahan ang network giant na Grab ng Hype at HirNa at ng iba pang bagong kumpanya. Lahat ng mga Transport Network Companies (TNCs) ay pinamamahalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kailangan ng lahat na makakuha ng prangkisa mula sa LTFRB—isang tatlong buwang pansamantalang awtoridad na susundan ng isang taong sertipiko ng ‘public convenience.’
Kamakailan, inirereklamo ng mga parokyano ang lumalalang hirap sa pagkuha ng masasakyan, lalo na kapag rush hour, at isinisisi ito ng mga TNCs sa labis na regulasyon ng pamahalaan. Sinasabi ng mga kumpanya na nililimita ng LTFRB ang bilang nga mga katuwang na drayber na kailangang paghatian ng lahat ng mga TNCs sa bansa—isang ‘common supply base.’ Iniulat ng nangungunang TNC ang mahigit 600,000 booking kada araw ngunit nasa 65,000 drayber lamang ang pinahihintulutan ng LTFRB bilang common supply base.
Aminado ang Grab Philippines na nagpapataw ito ng P2 –per-minute travel time fare component noong 2017, upang mapanatili ang kita ng mga drayber na apektado ng malalang trapik at liblib na lokasyon ng pasahero. Sinuspinde ito ng LTFRB sa kabila ng sinasabi ng kumpanya na pinahintulutan ng Department of Transportation ang mga TNC na magtakda ng sariling pasahe sa isang kautusan noong 2015.
Sinabi ng mga nagpapatakbong kumpanya na bumaba ang bilang ng mga sasakyan ng TNVs sa Metro Manila at apat lamang sa kada sampung pasahero ang napagsisilbihan dahil sa kawalan ng drayber. Tumaas ang karaniwang ‘pick-up time’ mula sa pagpapareserba at sa ‘actual pickup’ nitong Hulyo sa walong minuto. Sinisisi nila dito ang labis na regulasyon.
Kumalat na sa buong mundo ang mga transport network services, na tinatawag na “ride sourcing,” “ride sharing,” “ride sourcing,” at “ride hailing,” na nagbibigay ng maasahang serbisyo saanmang dako. May ilang tumututol mula sa industriya ng taxi at iba pang grupo, ngunit ang kanilang serbisyo ay malugod na tinaanggap ng maraming taong umiiwas sa mahirap na pagmamaneho sa lugar na tulad ng Metro Manila.
Ang kanilang paglago ay maaaring maging dagok sa ating bansa at iginigiit naman nila ang labis na regulasyon ng gobyerno—partikular sa limitasyong itinakda ng LTFRB sa bilang ng mga pasaherong nararapat at sa pasaheng singil. Isa itong problemang dapat kaharapin kasama ng karampatang solusyon upang mapanatili ang pagpapatuloy at paglago ng bagong serbisyo ng transportasyon