Dapat na naging “more proactive” ang National Food Authority (NFA) sa pagtugon sa problema ng bansa sa kapos na supply ng bigas, partikular na sa pagpigil sa tuluy-tuloy na taas-presyo nito.
Ito ang sinabi kahapon ni House Appropriations Committee Chairperson, Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles kasunod ng pasya ng NFA Council na umangkat na ng 132,000 metriko tonelada ng bigas upang mapababa ang presyuhan nito sa merkado.
Aniya, dapat na kaagad na inaksiyunan ng NFA ang problema at hindi ngayon lang kumikilos kung kailan malala na ang suliranin.
“As the saying goes, an ounce of prevention is worth a pound of cure. The NFA Council and management should have been more proactive. They should have foreseen the problem when they saw how depleted the NFA’s rice stocks were. The information is there on the NFA website; even if they don’t meet regularly, they can monitor the stocks with their smartphones,” ani Nograles.
Batay sa NFA Rice Stock Inventory, noong Enero 2018 ay mayroong 107,200 MT ng imbak na bigas ang NFA; bumaba sa 60,300 MT noong Pebrero; sa 43,500 MT noong Marso; sa 12,200 MT noong Abril; bumaba pa sa 3,900 MT noong Mayo; hanggang sa tuluyang sumadsad sa 2,100 MT noong Hunyo.
“Pagpasok ng lean months, which are from June to September, dalawang libo na lang ang stock nila. Ano ginawa nila? This is one of the questions we will be asking the NFA when they face the Appropriations Committee on Monday,” ani Nograles.
Una na niyang inihayag na iimbitahan ng Kamara ang NFA upang talakayin ang isyu.
PALASYO DAPAT NANG MAKIALAM
Kaugnay nito, hiniling naman ni Senator Nancy Binay sa Malacañang na mamagitan na sa sigalot ng NFA at NFA Council, dahil masyado na nitong naaapektuhan ang estado ng bigas sa bansa, partikular na ang dinadanas ngayong kakapusan at mataas na presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
“I hope the Palace can do something about the fit of misunderstandings between the Council and NFA,” sabi ni Binay. “Mahigit isang taon na pong nagtuturuan, nagsisisihan at nagbabangayan ang NFA at NFA Council. At ang nakalulungkot, the row between the two offices has already reached a deadlock placing the entire country in an episodic and often cyclical food insecurity status.”
Kaugnay nito, bukod kay Senator Cynthia Villar ay dismayado rin si Sen. Joel Villanueva kay Agriculture Secretary Manny Piñol dahil sa hindi nito magawang pababain ang presyo ng bigas.
TIWALA PA RIN KAY PIÑOL
Samantala, sa gitna ng mga panawagang magbitiw na sa puwesto, patuloy namang nagtitiwala si Pangulong Rodrigo Duterte kay Piñol.
“Unless fired, yes,” saad sa text message ni Presidential Spokesman Harry Roque sa mga mamamahayag nang tanungin kung nagtitiwala pa rin ang Presidente sa kalihim.
Bukod sa hindi mapababa ang presyo ng bigas, una nang inulan ng batikos si Piñol dahil sa panukala nitong mag-angkat ng mas maraming bigas at isda, at gawing legal ang smuggling ng bigas sa ilang bahagi ng Mindanao.
“On their call for my resignation because of these issues, my response would be: I serve at the pleasure of the President,” saad naman sa Facebook post ni Piñol nitong Miyerkules.
“If the President says he is not happy with my performance, I would gladly pack up my bags and go home to my farm.”“The reason why I figured prominently in the raging rice supply and price issue was because I volunteered to help resolve the problem since nobody in government was on top of the situation,” aniya pa.
May ulat ni Genalyn D. Kabiling
-ELLSON A. QUISMORIO at LEONEL M. ABASOLA2