PALEMBANG— Mula sa pedestal ng Asian Games, target ni Margielyn Arda Didal ang 2020 Tokyo, Olympics.

At ngayon pa lamang ay nananawagan na ang Cebuana pride ng suportang pinansiyal para sa kanyang pagsabak sa qualifying tournament para sa Tokyo Games.

“I want to earn qualifying points for the 2020 Tokyo Olympic Games,” pahayag ni Didal.

Ang 22-anyos ang ika-apat na Pinay na nagwagi ng gintong medalya sa asiad matapos pagbidahan ang women’s skateboard street competition nitong Miyerkoles.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ngunit, tulad sa iba pang measureable sports, kailangan ni Didal na makakuha nang sapat na qualifying points para magkwalipika sa Olympics.

Batay sa programa ng Olympics, 80 slots – tig-20 sa park at street events (men’s and women’s) ang kukunin para sa Tokyo Games.

Bilang host, awtoamtikong may tig isang slots ang Japan sa apat na events, habang ang top three sa world skateboard championships na gaganapin bago ang Olympics at awtomatiko ring pasok sa quadrennial Games.

Ang nalalabing 16 slots sa bawat events at ibabatay sa world ranking sa Hunyo 2020.

Target ni Didal na sumabak sa Street League Skateboarding world championships sa Rio de Janeiro, Brazil, sa Enero para makakuha ng sapat na puntos.

“While there will also be Olympic qualifiers in Asia, we are lining up Margie to compete in Rio so she can earn a maximum of ranking points,” pahayag ni Skateboard Association of the Philippines, Inc. president Monty Mendigoria.

Ayon kay Didal, naging kumpiyansa siya sa laban matapos makakuha ng sapat na karanasan matapos sumabak sa Street League Skateboarding championships sa London nitong Mayo, gayundin sa Xtreme Games sa Minneapolis, Minnesota nitong Hulyo.

“Naging malaking bagay po yong events na ito for my preparations sa Asian Games,” aniya.