Inako ng isang local terror group ang pagpapasabog sa selebrasyon ng kapistahan sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat nitong Martes ng gabi, na ikinasawi ng dalawang katao, habang 36 na iba pa ang nasugatan.

Hindi naman pinangalanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang grupo.

“We believe it was a terror attack although it is still being investigated. With that magnitude, it is certainly not accidental,” sabi ni Albayalde. “A group has already claimed responsibility and this is not a new group. This is one of the groups that we have been monitoring especially in the part of Mindanao.”

Nabatid na isinilid ng hindi pa nakilalang suspek ang improvised explosive device (IED) sa isang tool box at inilagay ito sa ilalim ng isang motorsiklo, hanggang sumabog pasado 8:00 ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasawi sa insidente ang pitong taong gulang na si Dovie Shane Alayon, at si Lenie Umbrod, 52 anyos.

Posible namang madagdagan ang bilang ng mga namatay dahil dalawa sa mga sugatan ang kritikal ngayon ang kondisyon sa ospital, kabilang si Wilmark John Lapidez, ayon sa Sultan Kudarat Police Provincial Office.

Samantala, naglaan na si Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu ng P1 milyon pabuya laban sa mga responsable sa pagsabog.

Kasabay nito, isinailalim ni Albayalde sa pinakamataas na alert status ang buong pulisya sa Mindanao—kung saan mahigit isang taon nang umiiral ang martial law—habang heightened alert naman ang paiiralin sa Metro Manila.

“Effective this morning (Wednesday), I directed all the regional directors of Mindanao area to declare full alert status,” ani Albayalde.

-AARON RECUENCO at FER TABOY, ulat ni Joseph Jubelag