SA pagdiriwang kahapon ng National Heroes Day, minsan pang naikintal sa aking isipan ang dalawang anyo ng kabayanihan ng itinuturing nating mga bayani—yumaong mga bayani na namuhunan ng dugo at buhay sa pagtatanggol ng ating kasarinlan; at mga buhay na bayani na nagpamalas naman ng sipag, talino at matatag na determinasyon na buhayin ang kanilang mga mahal sa buhay, kaakibat ng kanilang pagsisikap sa pagpapaangat ng ekonomiya ng bansa.
Kailan man ay hindi natin malilimutan ang kadakilaan nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antiono Luna, Marcelo H. del Pilar, Gabriela Silang, Tandang Sora, at marami pang iba. Bihira ang hindi nakaaalam ng kanilang kagitingan noong sila ay nabubuhay; hanggang sa kanilang kamatayan, ang kanilang alaala ay buhay na buhay sa sambayanang Pilipino.
Totoo na ang kanilang kabayanihan ay nakikilala lamang sa kanilang kamatayan. Naalala ko ang obra maestra ng isang kapatid sa panulat: “Hinanap ko ang kabayanihan sa tarik ng bundok, sa lalim ng dagat, sa talim ng tabak, sa talaksan ng mga aklat – subalit ikaw ay wala. Nang lumukob ang dilim, ikaw ay namataan kong nakikipaglamay sa kalawakan ng nagdipang krus...” Ibig sabihin, ang bayani at ang kanilang kadakilaan ay nalalantad lamang sa kanilang kamatayan. Gayunman, tulad ng dapat mangyari, sila ay marapat lamang manatiling buhay sa ating mga gunita.
Natitiyak ko na bihira rin ang hindi nakakakilala sa itinuturing nating mga buhay na bayani na nagpamalas ng pambihirang kagitingan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Totoo na hindi sila nakipaglaban sa mga dayuhang mananakop; at lalong hindi sila humawak ng tabak at armas. Subalit bilang mga overseas Filipino worker (OFW), nakatulong sila nang malaki sa pagpapaangat sag kabuhayan ng ating bansa. Sa bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila sa kani-kanilang pamilya at sa kaban ng ating bayan, mistulang nailigtas nila sa matinding economic crisis ang ating bansa.
Mga buhay na bayani rin ang ating mga atleta sa iba’t ibang larangan ng palakasan o sports; lalo na ang mga nakasusungkit ng mga medalya na mga kalahok sa kasalukuyang Asian Games at maging sa mga nagtamo ng karangalan sa nakalipas na mga sports competition sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Kabilang na rito ang mga humakot ng medalya sa mga highly technical fest na tulad ng mathematics, algebra at physics contest.
Marapat lamang ang pagdakila sa ating mga yumao at buhay na mga bayani sa lahat ng pagkakataon – hindi lamang kung Araw ng mga Pambansang Bayani o National Heroes Day.
-Celo Lagmay