NGAYONG napipinto na ang 2019 mid-term polls, hindi ko ipinagkibit-balikat ang kaliwa’t kanang hagisan ng political mud, wika nga. Manapa, gumitaw sa aking utak na ang gayong mga eksena ay bahagi ng ating marumi at malagim na kulturang pampulitika.
Nitong nakaraang ilang araw lamang, ilang haligi ng oposisyon ang walang patumangga sa pagpapahiwatig na ang mismong Pangulong Duterte ay sinasabing may matinding karamdaman -- isang haka-haka na kagyat namang nilinaw ng administrasyon. Maaaring may dinaramdam ang Pangulo -- tulad ng karamihan sa atin -- subalit hindi naman ito marahil nagiging balakid sa kanyang pamamahala. Hindi ba ang ganitong mga pananaw ay may bahid ng pulitika?
Ang gayong mga kritisismong pampulitika ay talamak sa iba’t ibang local government units (LGUs). Sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, halimbawa, walang humpay ang pag-iiringan kaugnay ng iba’t ibang masasalimuot na isyu. Ang aking mga kababayang LGUs, kabilang na ang ilang mambabatas, ay naghahagisan ng mga akusasyon na hindi malayong may kaugnayan sa pulitika, lalo na ngayong nalalapit ang local elections.
Sa harap ng ganitong nakadidismayang mga pangyayari, hindi marahil kalabisang iparamdam sa kanila na hindi makabubuti ang anumang hidwaan sa pamamahala sa aming lalawigan. Naniniwala ako na bahagi ng kanilang makabuluhang pamamahala ang pagbibigay ng mabuting serbisyo sa aming lalawigan na nagkataong magdiriwang ng tinatawag na Araw ng Nueva Ecija sa Sept. 2.
Nakalulugod mabatid na laging binibigyang-diin ng kasalukuyang pamunuan ng aming lalawigan ang makatuturang pagsusulong ng matapat na paglilingkod sa aming mga kababayan -- isang pagsisikap na marapat lamang itaguyod ng iba pa naming mga local officials.
Totoo na ang pamumulitika ay bahagi ng pamumuno ng sinuman. Bigla kong naalala ang malagim na kapalaran ng aking kapatid na si Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragoza, Nueva Ecija. Sinampahan siya ng mga gawa-gawang asunto ng katiwalian ng kanyang mga kalaban. Matapos litisin ng Tanod bayan (Ombudsman ngayon), napatunayang wala siyang kasalanan -- hindi naglaon, naging biktima siya ng tinaguriang ‘noontime massacre’, maraming taon na ang nakalilipas.
Maliwanag na ang aking kapatid ay biktima ng kamandag ng pulitika na wag na sanang maganap hindi lamang sa aming lalawigan kundi sa iba pang dako ng kapuluan.
-Celo Lagmay