Siyam na kadete mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang ipinag-utos na i-dismiss kaugnay ng pag-atake na kinasasangkutan ng anim na graduate ng PNPA Maragtas Class of 2018, isiniwalat ng school director, nitong Martes.
Kinumpirma ni Chief Supt. Joseph Adnol, director ng PNPA, na bukod sa siyam na kadete na ipinag-utos i-dismiss, dalawa ang sinuspinde at "turnback" o pinag-uulit ng buong school year, dalawa ang inabsuwelto habang 31 iba pa ang binigyan ng demerits, touring at confinement.
Una nang isiniwalat ni Adnol na karamihan sa mga sangkot na kadete ay nasa ikatlong taon na sa academy at nakatakdang magtapos sa susunod na taon.
Hindi agad pinangalanan ang mga kadete.
"The decision was released on August 10 and they are given 10 days to submit a motion for reconsideration. They were given a deadline until August 12," aniya.
Matatandaan na ang anim na graduate ng PNPA Maragtas Class of 2018 ay iniulat na binugbog ang mga nakabababa sa kanila matapos ang kanilang graduation noong Marso 21, 2018.
-Martin A. Sadongdong