Posible pa ring kumandidato bilang senador si dating presidential candidate Mar Roxas, sa mid-term elections sa Mayo 2019.

Aniya, kung kinakailangan pa rin ang serbisyo niya sa publiko ay hindi siya magdadalawang-isip na bumalik muli sa pulitika.

“I think lahat ng Pilipino na tinawag magserbisyo, bukas (sa pagkandidato), eh,” sinabi ni Roxas nang kapanayamin ito sa radio program ni Vice President Leni Robrero.

Sa nasabing panayam, tinanong ni Robredo si Roxas sa magiging plano nito sa susunod na senatorial race ngunit sinabi ng dating senador na iniisip pa rin niya ang magiging pasya niya.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

“Hindi ko gusto na ilahok ang sarili ko, iprisinta ang sarili ko sa kababayan natin na sasabihin ko, ipaglalaban ko kayo na hindi buong-buo ‘yung loob ko,” paglalahad ni Roxas.

Inamin ni Robredo na maraming nakikiusap sa kanya na kumbinsihin si Roxas na kumandidato sa eleksiyon sa susunod na taon.

Binigyang-diin ng Bise Presidente na hinihiling ng mga taga-oposisyon na kumandidato si Roxas dahil lumulutang naman ang pangalan nito sa mga nakaraang senatorial survey.

“Alam natin sitwasyon ng bansa natin… pero para sa akin, hindi iyon ang batayan para sa desisyon. Ang hinahanap ko ‘yun sinseridad sa kalooban ko na nais pang magpatuloy. Kung mangyayari man ito, gusto ko mangyari dahil sa tamang motivation,” pagtatapos pa nito.

-Raymund F. Antonio