Nangako ang National Bureau on Investigation (NBI) na magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa mga magnetic lifter na sinasabing naglalaman ng P6.4-bilyon halaga ng ilegal na droga.

Ito ang inihayag kahapon ni NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, makaraang sabihin ni Pangulong Duterte na naniniwala itong walang droga sa nasabing mga lifter, na nadiskubre sa isang bodega sa Cavite noong nakaraang linggo. Sinabi ng Presidente na pawang espekulasyon lang ang nasabing ulat.

Nauna rito, inatasan ng Department of Justice (DoJ) ang NBI na siyasatin kung paanong nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) ang nasabing kargamento.

Sa sa press briefing sa Malacañang, tumanggi si Lavin na magkomento sa imbestigasyong ginagawa ng NBI Anti-Illegal Drugs Task Force, bagamat tiniyak na magsasagawa ang kawanihan ng masusing pagsisiyasat sa isyu, kabilang ang forensics, at gagawin lang ang imbestigasyon batay sa mga ebidensiya.

Dating miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato, sumuko na sa ICC?

“We will conduct our investigation independent of the comment of government officials. Rest assured this is going to be a thorough investigation based on evidence,” ani Lavin.

Kasabay nito, kinumpirma kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) na nananatili pa rin sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Director General Aaron Aquino, at hindi ito nagbitiw sa puwesto.

Ito ang kinumpirma ng PCOO makaraang mapaulat na naka-leave ngayon si Aquino sa gitna ng kontrobersiya sa P6.8-bilyon shabu na umano’y nakapuslit sa bansa.

“He filed a leave prior to this week for a vacation leave,” sabi ni PCOO Assistant Secretary Marie Banaag. “We had a meeting at the NBI two weeks ago, and then he already filed a leave for this week.”

-Argyll Cyrus B. Geducos