BILANG pagdiriwang ng ika-80 Anibersaryo ng Araw ng Angono, Rizal, sa Agosto 19, 2018, ay naghanda at naglunsad ng iba’t ibang gawain ang pamahalaang bayan ng Angono sa pangunguna ni Mayor Gerry V. Calderon. Ang tema o paksa ng pagdiriwang ay: “BAWAT MAMAMAYAN , MAY PUSO SA BOLUNTERISMO AT SUSI SA TAGUMPAY NG HIGANTENG ANGONO”.
Ang pagdiriwang ay inihudyat at sinimulan noong Agosto 5 ng YES (Ynares Eco System) Clean Up Drive sa buong bayan. Sinundan ng bloodletting at medical mission sa covered court ng Bloomingdale Subdivision, Barangay San Pedro. At noong 6:00 ng gabi ng Agosto 5, ay ang Ulat sa Bayan ni Mayor Gerry V. Calderon naman ang ginanap sa Angono gymnasium. Nagsimula rin noon ang art exhibit na pinamagatang “Stroke of Art/Reflection” sa Angkla Art Gallery. Matatapos ang Art Exhibit sa Agosto 31.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang DepEd on the Spot Poster Making Contest noong Agosto 9 sa SM Center Angono. Nagkaroon ulit ng bloodletting activity sa covered court ng Bloomingdale subdivision noong Agosto 12. Sinimulan ng 8:00 ng umaga at natapos ng 3:00 ng hapon. Ang nakuhang mga dugo sa mga blood donor ay ibinigay sa Philippine Red Cross Rzal chapter. Sinundan ng Sangguniang Kabataan Festival dakong 1:00 ng hapon. At noong gabi ng Agosto 12, tampok naman ang Serenata ng Angono Wind Ensemble sa Angono gymnasium. Kinabukasan, Agosto 13, ay ginanap naman ang “Lente Photo Exhibit” sa Art Walk ng SM Center sa Angono. Ang photo exhibit ay hanggang Agosto 31 din. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Sangguniang Kabataan Talents Day, kung saan tampok ang mga sayaw at musika.
Sa pagdiriwang ng ika-80 Anibersaryo ng Araw ng Angono, tampok noong Agosto 15 ang pagbasa at pagbigkas ng mga tula. May pamagat na “Wika ng Bayan, Tula ng Kabataan”. Kasunod nito, noong Agosto 16, inilunsad naman ang exhibit ng Sangguniang Kabataan na Art from Recycled Materials sa Municipal Hall Lobby.
Tampok naman kahapon Agosto 17, ang Misa ng Pasasalamat na ginanap sa Angono Municipal Plaza. Kasunod ang First San Isidro Painting Contest sa Bgy. San Isidro Hall. Kasunod nito ang Likha: Gabi ng Klutura kasama ang mga taga-National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at mga taga -Philippine Imformation Agency (PIA) Calabarzon. At ngayong Sabado, Agosto 18, ay tampok ang Sangguniang Kabataan Larong Pinoy at ball games sa Angono gymnasium.
Bukas, Agosto 19 ay na ipagdiriwang ang ika-80 Araw ng Angono at kaarawan ng Pangulong Manuel L. Quezon, tampok naman ang pag-aalay ng mga bulaklak sa paanan ng bantayog ng Pangulong Quezon, na nasa kanang bahagi ng harap ng munisipyo ng Angono. Kabilang sa mga mag-aalay ng bulaklak ay ang mga kawani sa tanggapan ni Mayor Gerry V. Calderon, Sanggunian Bayan, mga opisyal at tauhan ng Angono PNP, Bureau of Fire Protection, mga guro sa public at privte school sa Angono, mga opisyal ng barangay at mga kinatawan ng business establishment sa Angono. Kasunod nito ang isang maikling programa.
Ayon sa kasaysayan, ang Angono ay naging isang nagsasarili at malayang bayan mula sa pagiging isang barangay ng Binangonan. Sa pamamagitan ito ng Executive Order No.158 na nilagdaan ni Pangulong Manuel L. Quezon noong Agosto 19, 1938. Ang paglagda sa Executive Order ay ginawa ni Pangulong Quezon sa harap ni dating kinatawan ng Rizal na si Congressman Emilio de la Paz at ng mga taga-Angono na nagtulung-tulong sa pagsasarili ng Angono.
-Clemen Bautista