Pinatay ng isang maskaradong lalaki ang cashier ng isang pawnshop na nilooban nito sa Baguio City, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni Supt. Freddie Lazona, deputy city director for operations ng Baguio City Police Station, ang biktimang si Lindsay Valdez, 23, ng Barangay Lower Pinget, Bagui City.

Ayon kay Lazona, ang bangkay ng biktima, na ginilitan at nilagyan ng masking tape ang bibig at kamay, ay natuklasan ng mga pulis sa locker room ng isang pawnshop sa Abanao Street, bandang 1:30 ng hapon.

Sa police report, kabubukas lamang ni Valdez sa pinapasukang sanglaan nang pasukin ng suspek, bandang 8:50 ng umaga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Makalipas ang 17 minuto, nagmamadaling lumabas ang suspek sa naturang establisyemento.

Nadiskubre ang insidente nang magtaka ang mga tauhan ng mga katabing establisyemento na ilang oras nang walang bantay ang pawnshop.

Natuklasan din na tinangay ng suspek ang aabot sa P85,000 kita ng sanglaan.

Ayon sa imbestigador, nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagpasok ng suspek sa sanglaan ngunit hindi nakita nang husto ang mukha nito dahil nagtakip ito ng payong.

-Rizaldy Comanda