MULING naglunsad ang Department of Agrarian Reform (DAR)-Negros Occidental II ng proyektong farm business school (FBS) sa lungsod ng La Carlota.

Nitong Martes, isinapormal ng ahensiya ang pakikipag-ugnayan nito sa pamahalaan ng La Carlota at sa Estela Agrarian Reform Cooperative, na nakabase sa Barangay San Miguel para sa implementasiyon ng proyekto.

Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Lucrecia Taberna, lumagda sa memorandum of agreement (MOA) bilang kinatawan ng DAR, na sa pamamagitan ng programa ay mapauunlad ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo para sa mas epektibong pamamahala ng kanilang mga produkto at makakuha ng tamang kita.

Kabilang din sa mga lumagda sa kasunduan sina La Carlota City executive assistant Edgardo Canlas at Estela Agrarian Reform Cooperative chairman Nelson Agotmo, kasama si Edna Villanueva, chief agrarian reform program officer, bilang saksi.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang on-site multi-level training program ay binubuo ng 25 session at inaasahang dadaluhan ng nasa 30 magsasakang miyembro ng kinilalang ARB organization.

Tutulong ang pagsasanay sa mga magsasaka para sa pagpapaunlad ng negosyo at pagpapalakas ng kakayahan sa kompetisyon ng kanilang mga produkto sa pamilihan.

“Aside from making their farms profitable, we want to make them understand the strategies of business so that they can respond to market challenges,” pahayag ni Taberna.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang lokal na pamahalaan ng technical at marketing support sa pamamagitan ng coaching, mentoring at provision para sa mga binhi ng gulay at iba pang tungkol sa pagsasaka habang magsasagawa naman ang mga magsasaka ng benchmarking, market surveys at market matching kasama ang mga prospect buyer.

Sinabi naman ni Canlas na mahigpit na makikipagtulungan ang lungsod sa DAR at sa benepisyaryong samahan, upang masiguro ang tagumpay ng implementasyon ng proyekto.

Nagkapagsagawa na ang DAR-Negros Occidental II ng FBS training sa ibang lugar ng southern Negros noong nakaraang taon.

Nitong Hunyo, nasa 62 benepisyaryong magsasaka—32 mula sa Magballo Agrarian Reform Beneficiaries at Farmers Association sa Bgy. Magballo, Kabankalan City, at 30 mula sa Jon De Ysasi Agrarian Reform Cooperative sa Bgy. Palayog, Hinigaran—ang nagtapos sa pagsasanay.

Habang noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagtapos ang 106 na benepisyaryo—35 ARBs ang mula sa Bagong Silang Farmers Association sa Bgy. Tuguis, Hinigaran; 31 mula sa General Malvar Agrarian Reform Cooperative at Kauswagan Agrarian Reform Cooperative sa Bgy. General Malvar, Pontevedra; at 40 ARBs mula sa Manlucahoc Agrarian Reform Cooperative sa Bgy. Manlucahoc, Sipalay City.