SALUDO ako kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpayag nitong malayang makapagsalita ang kanyang gabinete ng kanilang mga saloobin tungkol sa isyu ng Pederalismo.
Batid na ang karamihan ng taoay taas-kilay sa kontrobersyal na binitawang mga salita ng “bossing” sa National Economic and Development Authority (NEDA), si Ernesto Pernia, at ni Finance Secretary Carlos Dominguez, na kontra dito. Malawak ang kaisipan ng ating Presidente dahil bukas palad niyang pinayagang maglabas ng kuro-kuro ang kanyang mga opisyales. Kung ibang pamahalaan pa ito, baka pinag-alsabalutan na ang dalawa, bagay na hindi gagawin ng Palasyo, kahit mayroon nang panawagan na kung seryoso ang Malacañang sa layunin ng federalismo, dapat umanong sipain na nito ang mga nabanggit na opisyal.
Kung magugunita, mismong si DU30 na ang nagsabi sa isang talumpati na kung talagang ayaw ng sambayanan palitan ang porma ng gobyerno, ay ipauubaya na niya ito sa mamamayan. Tumpak nga naman na ang ganitong uri ng panukala, kumbaga, hinay-hinay itong pag-aaralan at pagdedebatehan ng lahat. Walang personalan, dahil ang kinabukasan lamang ng bayan ang pinagtutuunan ng pansin dito. Ang mga kaalyado ng Presidente, maging ang mga hindi, at bukas ang isipan na ito ay pondohan at paglaanan ng panahon.
Halimbawa, batid ba ng mga bagong halal na 42,044 barangay chairmen at kanilang mga kagawad na sa isinusulong na bagong anyo ng pamahalaan ay matatanggal silang lahat? Na ang bilang ng mga gobernador ay mababawasan ng halos kalahati? Papayag kaya ang mga ito? Bukod pa rito, alam din kaya nila na ang dating kaisa-isang Korte Suprema ay magiging apat na? Na ang kasalukuyang 15 Justices ay mamumulaklak sa 42 Justices? Na ang kasalukuyang 250 Congressmen na tinutustusan natin sa halagang P11bilyon at 177 milyon ay aabot na sa 400? Na ang 24 na senador, na ginagastusan ng P5 bilyon at P827 milyon ay magiging 36? Paano pa ang bawat tanggapan na may daddag empleyado? Mga Supreme Court divisions? Nandiyan pa ang perang iuukol sa mga komite ng Mababa at Mataas na Kapulungan.
Huwag na natin banggitin ang posibleng pagragasa ng “pork barrel” para sa bawat congressman at senador. Dati-rati ang bawat congressman ay may pondong P70M. Ang mga senador naman ay may P200 milyong pondo.
-Erik Espina