NASA tamang direksiyon ang paninindigan ni Senador Grace Poe na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado hinggil sa multi-million-peso information campaign ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ng Consultative Committee (ConCom) sa pagsusulong ng pederalismo.
Si Poe ang chairperson ng Senate committee on information. Naghain siya ng Senate Resolution 821 na ang layunin ay imbestigahan ang kontrobersiyal na video ni Esther Margaux Uson, aka Mocha Uson, kasama ang blogger na si Drew Olivar.
Reaksiyon marahil ito sa umano’y malaswa at bastos na video nina Uson at Olivar na nakitang nagsasayaw ang blogger kasabay ang kantang I-PEPE MO (vagina), I-DEDE MO (breast) hawak ang kanyang ari para sa federalism jingle. Para kay Poe, ang federalismo video ni Mocha ay sagana sa kabastusan at hindi nakatutulong para maiangat at suportahan ng mga tao ang federal system of government, na mismong si PRRD ang nagsusulong.
Bukod kay Uson, may naghihinalang ginagamit din ng PCOO ang ilang beteranong mamamahayag sa print at broadcast para isulong ang pederalismo. May report na ang PCOO ni Secretary Martin Andanar ay naglaan ng P90 milyon para sa information drive nito.
Sabi ni Poe: “Public office is a public trust and officials must at all times exercise professionalism in the performance of their functions.” Sa survey ng Pulse Asia, lumilitaw na dalawa sa tatlong Pilipino, o 67%, ang ayaw sa pederalismo at 62% ang hindi pabor sa pagbabago ng sistema ng gobyerno o pagbabago ng Saligang-Batas.
Kung noon ay nakapuslit ang P6.4-bilyon shabu sa green lane ng Bureau of Customs (BoC) na natagpuan sa isang bodega sa Valenzuela City, nagulat ang sambayanan nang makalusot uli sa BoC ang apat na magnetic lifter na naglalaman ng 1,000 kilo o isang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon. Ang mga magnetic lifter ay natagpuan ng PDEA sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite pero wala nang laman.
Naniniwala si PDEA Chief Aaron Aquino na ang nasa likod ng multi-bilyong pisong kontrabando ay ang kilabot na Golden Triangle syndicate. Pinaghahanap ngayon ng PDEA ang 19 na tao, kabilang ang 11 Chinese nationals. ‘Di ba kaibigan ng ‘Pinas ang China? Bakit ‘di tayo humingi ng tulong sa kanila para maharang ang mga kontrabandong shabu mula sa China?
Well, well, papaano masusugpo ni Pangulong Duterte ang illegal drugs sa bansa kung ganitong bultu-bultong shabu ang nakalulusot sa BoC. Pinapatay ng mga pulis at vigilante ang ordinaryong mga pusher at user na nahulihan ng ilang sachet ng shabu, pero heto ang big-time shabu smugglers na hindi magalaw o maitumba ng mga pulis!
-Bert de Guzman