John Vincent Moralde
John Vincent Moralde

NASA Wildcard Gym na ng Amerikanong trainer na si Freddie Roach si Filipino super featherweight John Vincent Moralde para simulan ang isang buwang pagsasanay sa laban kay 2012 London Olympian Jamel Herring sa Setyembre 14 sa Save Mart Arena sa Fresno, California sa United States.

Paglalabanan nina Moralde at Herring ang bakanteng IBF USBA super featherweight title na ang magwawagi ay tiyak na papasok sa world rankings.

Binansagang “Mulawin,” ito ang ikatlong laban ni Moralde sa US makaraang palasapin ng unang pagkatalo via 7th round TKO ng Amerikanong si world rated Toka Khan Clary noong Disyembre 1, 2017 sa Providence, Rhode Island.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Huling lumaban si Moralde noong nakaraang Mayo 26 sa Save Mart Arena, Fresno, California kung saan pinalasap niya ng unang pagkatalo si Ugandan-born American Ismail Muwendo na dalawang beses niyang pinabagsak sa 1st at 5th round para magwagi sa 10-round unanimous decision.

Galing din sa panalo si Herring via 2nd round TKO laban kay dating WBC International junior lightweight champion Juan Pablo Sanchez ng Mexico noong Mayo 12, 2018 sa Madison Square Garden sa New York kaya masusubok ang kakayahan ng 24-anyos na si Moralde sa 32-anyos na karibal.

May rekord si Herring na 17 panalo, 2 talo na may 10 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Moralde na may kartadang 20 panalo, 1 talo na may 10 pagwawagi sa knockouts. - Gilbert Espeña