BILANG bahagi ng patuloy na pagsisikap ng probinsiyal na pamahalaan ng Bulacan na labanan ang ilegal na droga, inilunsad ng probinsiya ang “Bola Kontra Droga,” kamakailan.
Sa ilalim ng programa, iikot sa iba’t ibang paaralan ang ilang personalidad mula sa telebisyon at pelikula sa Bulacan upang makipaglaro ng basketball sa mga residente.
“This is our contribution to the appeal of President Rodrigo Roa Duterte in his bid to achieve a drug-free Philippines and we will start this by pushing for a drug-free Bulacan. Bola Kontra Droga for a drug-free Bulacan, drug-free showbiz,” pahayag ni Vice Governor Daniel R. Fernando, sa isang pulong-balitaan kaugnay ng “Bola Kontra Droga” Campus Tour.
Matapos ang talakayan, nakipaglaban ang isang celebrity all-star team sa basketball kontra sa mga manlalaro ng Bulacan State University (BulSU).
Ayon kay Fernando, hiningi niya ang tulong ng ilang artista para sa kampanya sa ilegal na droga dahil sila ay modelo at nagbibigay ng malaking impluwensiya sa mga kabataan.
Makakatulong din umano ang mga artista para sa kampanyang ‘drug-free showbiz industry.’
“Due to the serious involvement of our industry colleague in illegal drugs, our dream is that we also have a drug-free showbiz to make our artists good example for our people especially to the young ones,” dagdag ni Fernando.
Kabilang sa mga artistang nakilahok sa kampanya sina Derick Hubalde, Mark Herras, Jordan Herrera, Mansueto “Onyok” Velasco, Matt Evans, Marco Alcaraz, Joseph Bitangcol at JC Tiuseco, na nagpakita ng kahandaang sumalang sa isang on-the-spot drug testing upang patunayan na hindi sila gumagamit ng anumang uri ng droga.
Samantala, naniniwala naman si Vice Governor Fernando na kayang isalba ang kabataan mula sa panganib ng epekto ng ilegal na droga kung maililihis ang kanilang atensiyon sa mga kapaki-pakinabang na aktibidad tulad ng paglalaro ng isports.
“This is one healthy way to divert the attention of young people against illegal drugs. To encourage them to learn sports such as basketball. By doing so, they cannot only improve their physical well-being, they also become fit to focus their minds on their studies,” ani Fernando.
Nakatakda idaos ang susunod na celebrity shoot-out sa Polytechnic University of the Philippines-Santa Maria, sa Setyembre 4; at sa Bulacan Polytechnic College-Malolos, sa Setyembre 25.
Ang “Bola Kontra Droga” Campus Tour (Basketball Shoot-out with Celebrities) ay inisyatibo mula kay Vice Governor Fernando at sa Damayang Filipino Movement Inc. katuwang ang suporta at kooperasyon ng probinsiyal na pamahalaan ng Bulacan at BulSU.
- PNA