Magpapadala ang Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng request letter sa China Southern Airlines upang magpatupad ng force deportation sa 84-anyos na Australian law professor, makaraang ilang beses na tumanggi ang dayuhan na sumakay sa eroplano pabalik nang pagbawalan siyang pumasok sa bansa.
Ang pagbabawal ay alinsunod sa report ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na nakibahagi umano ang dayuhan sa iba’t ibang kilos-protesta sa bansa ilang taon na ang nakalipas.
Sinabi ni BI OIC Assistant Commissioner at Chief Port Operations Chief Marc Red Marinas na ibinasura na ng BI ang apela ng dayuhan, sa pamamagitan ng abogado nito, na makapasok sa Pilipinas.
Halos isang linggo na ngayong nananatili si Gill Hale Boehringer sa NAIA Terminal 1 Day Room, makaraan siyang dumating sa bansa nitong Agosto 7, 2018.
Mariing iginiit ni Boehringer na hindi siya nakibahagi sa anumang rally sa para sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) ilang taon na ang nakalipas, dahil wala naman siya sa Pilipinas sa mga tinukoy na panahong ikinasa umano ang rally na sinasabing sinalihan niya.
Ayon kay Marinas, tatlo hanggang apat na beses nang tumanggi si Boehringer na sumakay sa eroplano ng China Southern Airlines pabalik sa pinagmulan niya sa Guangzhou, China, habang sinisikap nito at ng abogado na makapasok sa Pilipinas.
Bagamat nasa NAIA Day Room pa rin habang hinihintay ang pasya ng gobyerno kung papapasukin siya sa bansa o ipatatapon na, nilinaw ng BI na hindi nakapiit si Boehringer.
Sa isang panayam, sinabi ni Boehringer na ayaw niyang sumakay sa eroplano dahil may problema siyang pangkalusugan.
-Ariel Fernandez