Kinakailangan munang kumuha ng reseta sa doktor upang makabili ng antibiotic kontra sa leptospirosis.

Ito ang paglilinaw kahapon ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III kasunod ng natatanggap niyang reklamo mula sa mga netizen na ayaw silang pagbilhan ng doxycycline o tetracycline, na ginagamit na prophylaxis, sa mga botika.

Ang reseta o prescription, aniya, ay maaari rin namang makuha sa mga health center para makabili ng antibiotic.

“Punta lang kayo sa inyong health center o sa pinakamalapit na pagamutan, humingi ng reseta para mai-dispense kasi may batas tayo,” paliwanag ng kalihim.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang dahil sa mga naranasang pag-ulan at malawakang pagbaha nitong weekend, tumaas ang posibilidad na maraming residente ang tamaan ng nakamamatay na leptospirosis.

Gayunman, sinabi ni Duque na hindi maaaring basta na lang bumili ng antibiotic para sa nasabing sakit dahil na rin sa umiiral na batas.

“Unang-una, siyempre takot din ‘yung ating pharmacies na makasuhan sila na nagbibigay ng gamot nang walang reseta, so respetuhin natin ‘yung batas,” aniya. - Mary Ann Santiago