Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinibak sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 20 opisyal ng militar sa V. Luna Medical Center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa alegasyon ng kurapsiyon na umaabot sa daan-daang milyong piso.

Kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ilang matataas na opisyal at kawani ng Health Service Command ng AFP (AFPHSC) ang sangkot umano sa maanomalyang pagbili ng mga gamit at dawit din sa mga transaksiyong may iregularidad. Kabilang sa nasabing mga iregularidad ang ghost-purchasing, paghahati ng kontrata upang makaiwas sa bidding, at pagkakaroon ng mga pekeng supplier.

“It was brought to the President’s attention that alleged corruption activities have been taking place at the V. Luna Medical Center. The President has since read the reports of the Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) and the Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Carlito Galvez,” ani Roque.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Roque na ipinag-utos ni Duterte ang pagsibak sa puwesto at pagsasailalim sa court martial proceedings laban sa mga opisyal ng militar, kabilang sina Brig. Gen. Edwin Leo Torrelavega, commander ng AFPHSC; at Col. Antonio Punzalan, commander ng V. Luna Medical Center, ang mga pinuno ng Management and Fiscal Office (MFO) at Logistics Office ng AFPHSC, at iba pa.

Dagdag ni Roque, maglalabas ang AFP ng mas detalyadong report tungkol sa nasabing umano’y mga maanomalyang aktibidad na kinasasangkutan ng ospital bukod pa aniya’y kumpirmadong ghost transaction na aabot sa P1,491,570.

“There are series of transactions involving almost hundreds of millions of pesos. So they will be releasing subsequent reports in due course,” sabi ni Roque. “The total number of individuals, according to the Chief of Staff, who will be relieved is around 20. But I only have two names so far. But they will be around 20.

“I think there will be widespread and many replacements to be appointed because according to the Chief of Staff, there will be no less than 20 individuals who will be relieved and subject to court martial procedure,” sabi pa ni Roque.

Ayon sa opisyal, isang whistleblower ang nagbunyag ng nasabing mga anomalya, na sinimulan nang imbestigahan.

May ulat ni Beth Camia