Maayos at kontrolado ng gobyerno ang lahat, idineklara ng Malacañang kahapon kahit na naging pinakamabagal sa loob ng tatlong taon ang paglago ng ekonomiya nitong nakaraang quarter.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque sa publiko na walang dapat ikabahala tungkol sa 6 na porsiyentong economic growth sa second quarter ng 2018, na aniya ay mataas pa rin.
“Everything is good naman po. Siguro hindi makakamit ang mga targets na nais nating makamit, pero iyong mga targets naman po natin ay sadyang napakatataas na mga targets,” ani Roque sa panayam sa radyo.
“Everything is under control. Everything is a go,” idinugtong niya.
Batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority, lumago ang ekonomiya ng 6% sa second quarter ng taon, kinapos sa 7-8% target ng gobyerno. Mas mababa ito sa 6.6% ng first quarter.
Binanggit ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, na isa sa mga dahilan ng pagbagal ng ekonomiya ang policy decisions ni Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang pansamantalang pagpapasara sa sikat na tourist destination ng Boracay para sa rehabilitasyon.
Ang istriktong regulasyon sa sektor ng pagmimina, kabilang pagpapasara sa mining pits, ay iniulat na nakaapekto rin sa productivity ng industriya.
Dinepensahan ni Roque ang mga polisiya ng Pangulo na iprayoridad ang pangangalaga sa kapaligiran.
“If GDP (Gross Dometic Product) will further fall because of the desire of the President to protect the environment, so be it. We’re investing in the future and not just in the present,” aniya.
Sa kanyang pahayag kahapon, iginiit ni Roque na ang second quarter growth rate ay napakataas pa rin kung ikokonsidera na iilang world economies ang nakapagtala ng mataas na paglago.
“Six percent po ay napakataas pa rin, wala pong dapat ikabahala,” aniya.
-GENALYN D. KABILING