“NO big deal,” ang palagay ni Pangulong Duterte sa ginawa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson para sa layuning itaguyod sa taumbayan ang pederalismo. Kaugnay ito ng bahagi ng kanyang “Good News Game Show” na inilabas niya sa social media, kung saan napanood ang kanyang co-host na si Drew Olivar na malaswang nagsasayaw habang kumakanta ng “I-pepe, I-pepe, i-dede, i-dede, i-pede, pede, pederalismo.” Ang pepe at dede ay maseselang parte ng katawan ng babae. Kung sa Pangulo ay balewala ito, sa iba ay hindi ito katanggap-tanggap. Kinondena ng mga mambabatas na pusali at malisyoso ang ginawa ni Uson. Kaya, dumistansiya dito si Conrado Generoso, ang spokesperson ng consultative committee, na gumawa ng balangkas ng bagong Saligang Batas. Hindi raw ito ang paraan para ipakilala ang pederalismo. Hindi, aniya, kailanman isinaalang-alang ng consultative committee na hirangin si Uson bilang spokesperson para ikampanya ang pederalismo.
“Ang sinabi ko noon ay dahil siya ay nasa social media at bahagi pa ng Presidential Communications Operations Office, dapat sumulat siya ng mga bagay tungkol sa pederalismo sa kanyang column at blog o kaya kapanayamin ang mga tao upang makatulong sa pagpapataas ng kamalayan ng taumbayan hinggil sa pederalismo.
“Ang planong information campaign ay dapat talakayin ang benepisyo ng sistemang pederal ng gobyerno sa ordinaryong mamamayan na nasa mga malayong lugar na walang napapakinabangan sa konsentrasyon sa Maynila ang kapangyarihan at pagkukunan.” sabi pa ni Generoso.
Hindi naman isyu kay Uson ang kabastusan ng kanyang ginawa. Ang mahalaga, natupad niya ang kanyang layunin na mapalaganap ang pederalismo kahit sa salita lamang. Salat man sa halaga at sustansiya ang pederalismong kanyang inanunsiyo, kumalat na ito sa mamamayan, kahit ano ang kanilang panlasa sa paraan na kanyang ginawa. Nangyari na ang gusto niyang mangyari. Eh, ganito naman ang istilo ni Pangulong Duterte. Inumpisahan niya ang kanyang kandidatura sa pagsisinungaling. Hindi raw siya tatakbo para pagkapangulo. Iyon pala, tulad ng ginawa ni Uson sa pederalismo, ang kanyang layunin lamang ay matuon sa kanya ang pansin ng mamamayan. Ultimo ora na nang maghain siya ng kanyang certificate of candidacy (CoC). Nang maistorbo siya ng heavy traffic, ayon sa kanya, pagbaba niya sa paliparan at nabatid niya na si Pope Francis pala ang dahilan, may nasabi siyang hindi maganda rito. Sa panahon ng kampanya, siya mismo ang nagsabi sa mga dumalo sa kanyang political meeting na ang mga presong nang-hostage at nanggahasa ng Australian missionary ay pinagpapatay. Nang ilabas ang bangkay ng mga nasawi kabilang ang bangkay ng misyonaryo at nakita niya namaganda ito, aniya, sana ay nauna si mayor. Iyong hilingin niyang halikan siya ng overseas Filipino worker (OFW) sa labi sa harap ng mga Pilipinong dinagsa siya sa pagdalaw niya sa banyagang bansa bilang kapalit ng aklat na kanyang ipinamigay, nalalayo ba ito sa ginawa ni Uson? Matapang gumawa ng malaswa at malisyoso si Uson dahil may tinutularan siya na kukonsintehin naman ang kanyang ginagawa
-Ric Valmonte