Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang blacklisted Australian professor at raliyistang si Gill Hale Boehringer.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Krizia Sandoval, dumating kahapon si Boehringer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, mula sa Guangzhou, China.
Aniya, inilarawan ng intelligence sources ang dayuhan bilang undesirable visitor at banta sa kaligtasan ng publiko kaya siya nasa BI blacklist.
Si Boehringer ay iniulat na nakiisa sa anti-government demonstration sa Maynila noong Nobyembre 2015, na paglabag sa kondisyon para sa mga bisita sa bansa.
“Inclusion in the blacklist means that the subject is a threat to public order and safety,” sabi ni Sandoval.
Nilinaw niya na ang mga dayuhan ay binibigyan ng due process sa pamamagitan ng pagpayag na makapaghain ng request para mapawalang bisa ang travel ban.
“If he submits sufficient proof to reverse the blacklist, it may be lifted accordingly,” paliwanag ni Sandoval.
-Jun Ramirez at Mina Navarro