Patay ang isang rider nang tumangging huminto sa checkpoint at namaril sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Manila Police District (MPD) director, Police Chief Supt. Rolando Anduyan, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng rider na inilarawang nasa edad 35, 5’9” ang taas, nakasuot ng puting T-shirt, floral na short pants, itim na bull cap, tsinelas at may dalang itim na body bag.

Samantala, sugatan naman si PO1 Gerardo Salustino at patuloy na nagpapagaling sa ospital.

Sa ulat, naganap ang engkuwentro sa Block 1, Gasangan, Baseco Compound, sa Port Area, dakong 12:15 ng madaling araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una rito, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Baseco Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna ni Police Chief Insp. Paulito Sabulao, kasama ang mga barangay officials ng Barangay 694, Zone 68, sa Baseco Compound nang mamataan ang suspek na sakay sa itim na motorsiklo.

Pinara ng mga pulis ang suspek ngunit sa halip na huminto para sa beripikasyon, umiwas ito at humarurot papalayo.

Hinabol ng mga pulis ang suspek at nakorner, ngunit sa halip na sumuko ay bumunot ng baril at pinaputukan ng mga alagad ng batas at nasugatan si PO1 Salustino.

Dahil dito, gumanti ang mga pulis at namatay ang suspek.

Narekober sa suspek ang isang cal .38 revolver, na kargado ng apat na bala; basyo ng mga bala; isang itim na body bag na may P200 cash; at isang itim na plastic na may tatlong pakete ng umano’y shabu; at isang motorsiklo.

-Mary Ann Santiago