Nagbabala si Department of Tourism (DoT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na kapag nabigo ang Bitag Media Unlimited Inc. na ibalik ang P60 milyong tinanggap nito mula sa advertising placements, aakyat ang usapin sa Office of the Ombudsman.
Sa pagdinig kahapon ng House Committee on Appropriations sa panukala ng DoT na P3.39 bilyon budget para sa 2019, sinabi ng Tourism chief na ipinauubaya niya ang usapin sa Commission on Audit (CoA), na siyang may pinal na desisyon sa isyu.
“As I was told the CoA is giving those that were given AOM (Audit Observation Memo), six months to reply,” ani Romulo-Puyat, na tumanggap ng mga papuri at pagbati kahapon mula sa mga miyembro ng Kamara.
Nang tanungin ni MAGDALO partylist Rep. Gary Alejano kung dapat bang ibalik ang pera, “I think I’ll leave it up to the CoA because they’re the proper authority to say if there should or should not be a disallowance, and they’ve already said that there is a disallowance.”
“As I know, if they do not pay within 6 months, it will go to the Ombudsman,” aniya.
Sa ambush interview ng ilang mamamahayag bago ang budget briefing, sinabi niya na ang P60M na ibinayad ng DoT para sa advertising placements “hasn’t been returned.”
Nauna nang sinabi ng abogadong si Ferdinand Topacio, legal counsel ng nagbitiw na si Tourism secretary Wanda Tulfo-Teo, na ibabalik ang pera.
Ibinunyag ng CoA na ang DoT, sa ilalim ni Teo, ay naglagay ng P60M advertisements sa “Kilos Pronto” program na produced ng kapatid niyang si Ben Tulfo. Ito ang naging dahilan ng pagbibitiw ni Teo sa puwesto sa kabila ng paggigiit na walang conflict of interest dahil ang transaksiyon ay sa pagitan ng DoT at ng PTV-4.
-Charissa M. Luci-Atienza