Magsasagawa ngayon ang Commission on Elections (Comelec) ng special satellite registration para sa mga bilanggo, upang matiyak na makaboboto ang mga ito sa mid-term elections sa Mayo 2019.

Ayon sa Comelec, unang idaraos ang special offsite registration for detainees sa Correctional Institute for Women (CIW), sa Mandaluyong City, simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Ang CIW ang tanging penal institution sa bansa na eksklusibo para sa mga babae.

“Efforts to register more women voters is part of the Commission’s aim to be more inclusive, which we try to achieve by reaching out to and giving preference to members of vulnerable sectors,” ayon kay Comelec Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon, na tumatayong commissioner-in-charge para sa Committee on Detainee Voting at siya ring head ng Gender and Development-Focal Point System (GAD-FPS) Executive Committee.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Idaraos ang mid-term polls sa bansa sa Mayo 13, 2019.

Kaugnay nito, aabot sa mahigit 2.2 milyong aplikasyon ang naitala ng Comelec sa unang buwan ng voters’ registration para sa halalan sa Mayo.

Sa datos ng Election and Barangay Affairs Department (EBAD), nitong Hulyo 2-28, 2018 ay aabot na sa kabuuang 2,297,606 ang aplikasyon na kanilang natanggap.

Sa naturang bilang, 1,037,265 ang lalaki habang 1,260,341 naman ang babae.

Ang mga aplikasyon para sa bagong registration ay umabot sa 1,054,067 habang ang aplikasyon naman para sa transfer of registration ay nasa 895,246.

Ang Region IV-A ang may pinakamaraming natanggap na aplikasyon na umabot sa 372,834; pumangalawa ang Region III na may 260,712; at pangatlo ang National Capital Region na may 255,796.

-Mary Ann Santiago