Iginiit kahapon ng Malacañang na may kapangyarihan si Pangulong Duterte upang sibakin sa serbisyo si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.
Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa napaulat na walang awtoridad ang Punong Ehekutibo upang umaksiyon laban sa isang independent body.
Katwiran ni Roque, tinanggal sa serbisyo si Carandang dahil sa graft and corruption at betrayal of public trust.
Ginamit din ni Roque ang dahilan na presidential appointee si Carandang, kaya sa Pangulo lang din nakasalalay ang pananatili nito sa posisyon.
Binigyang-diin ni Roque na maaari namang kuwestiyunin ni Carandang ang naging desisyon ng Pangulo, bagamat may bisa pa rin ito hanggang walang ipinalalabas na kautusan ang hukuman.
“Eh siya po ay libre na kuwestiyunin ‘yan sa hukuman pero habang wala pang TRO (temporary restraining order), ipatutupad po ‘yan ng ating Ombudsman at ng ating mga kinauukulan.
Dapat po mayroong awtoridad na mapanagot ang mga Deputy Ombudsman at ang basa naman dito sa batas ay nasa hurisdiksiyon pa rin ng Presidente,” ani Roque.
Nilinaw din ni Roque na binigyan ng mahabang panahon si Carandang upang linisin ang pangalan nito sa mga alegasyon ngunit binalewala umano ito ng opisyal.
-Argyll Cyrus B. Geducos