Vargas, ‘di takot sa multa at sanction ng OCA sa pagatras ng basketball
BIGO si Asian Games Chief de Mission Richard Gomez na kombinsihin si Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas na magbuo ng sariling koponan ng basketball para isabak sa Asiad.
Sa pagpupulong kahapon, tinangka ni Gomez na hikayatin si Vargas na magbuo ng sariling basketball team ang Olympic body upang maproteksyunan ang bansa sa tiyak na sanctioned at multa mula sa Olympic Council of Asia (OCA) at International Olympic Committee (IOC).
“Alam naman natin na basketball ang inaabangan ng ating mga kababayan, lalo na ang ating mga overseas workers. We tried to convince the POC, but the decision has already been made,” sambit ni Gomez.
Wala pang pormal na pahayag ang POC, ngunit, sa isang panayam sinabi ni SBP secretary-general Sonny Barrios na naipadala na ng Olympic body ang sulat para pormal na masabihan ang Jakarta Asiad organizers sa desisyon na pagatras ng basketball sa quadrennial meet.
Ipinahayag ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) ang desisyon na huwag nang magpadala ng men’s basketball team upang maihanda ang koponan sa FIBA World Asia qualifying sa Setyembre.
Ngunit, ayon sa isang POC official, na tumangging pabangit ang pangalan, dismayado ang POC Board sa naging tugon ni Vargas sa isyu.
“We don’t know. Hindi naman kami na-informed about this (basketball pulled out). Ang masakit nito, buong POC, buong bansa ang nakataya rito pero parang isang tao lang ang nagdesisyon,” pahayag ng naturang opisyal.
Inamin ng naturang opisyal na nakakaalarma ang naging posisyon ni Vargas, higit at isinusulong nila ang pagkakaisa at paglaban sa anumang uri ng pandidikta.
“Sumuporta kami kay Mr. Vargas dahil parang dictator ang dating ng dating leadership. Pero ngayon, parang mas naging malala,” aniya.
Hindi inamin, ngunit hindi rin itinanggi ng naturang opisyal ang pagkilos ng POC Board para labanan ang desisyon ni Vargas.
Si Vargas, presidente ng boxing association, ay malapit na kaalyado ni SBP honorary chairman Manny Pangilinan.
Sa kanyang pagkapanalo sa POC laban kay Peping Cojuangco, kaagad na nagbigay ng tulong pinansiyal si MVP ng halagang P50 milyon para magamit ng Olympic body sa kanilang programa.
Ayon kay Gomez, incumbent Ormoc City Mayor, mananatiling buo ang samahan ng delegasyon sa kabila ng naturang isyu.
‘We will do our best. Pipilitin natin na makapaglaro ng maayos at magwagi ng medalya,’ aniya.
Sa huling Asiad edition, tanging si BMX rider Fil-Am Daniel Caluag ang nagwagi ng gintong medalya para sa Pilipinas.
-Annie Abad