INANUNSIYO ng Department of Tourism (DoT) kamakailan ang plano ng ahensiya na pagsasaayos ng sikat na Banaue Rice Terraces sa Ifugao, sa pagtatapos ng 2018 o sa susunod na taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Pocholo Paragas na nakatakdang bisitahin ni DoT Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang Ifugao upang makipagpulong sa lokal na pamahalaan hinggil sa inaasahang pinakamalaking proyektong pang-imprastruktura ng DoT—ang Banaue Rice Terraces Restoration.
Ayon kay Paragas, ang Banaue Rice Terraces Restoration project ay suportado ng Kongreso na may nakalaang pondo na hindi bababa sa P80 milyon, hahatiin ito sa dalawang bahagi—ang rehabilitasyon ng TIEZA-operated Banaue Hotel at ang ‘stonewalling’ ng rice terraces na nasira na sa tagal ng panahon.
“In the stonewalling, I think we’re already at the final stage of designation because it’s very critical in that site that you cannot just bring any contractor, it should be by them. Because it’s a heritage piece, you can’t use ordinary cement but stones (found in the area),” aniya.
“The secretary will go there tomorrow (July 27) to discuss with the LGU there what will happen. We are really proud to say that the biggest infrastructure program or the investment of infrastructure there will be coming from TIEZA,” dagdag pa ni Paragas.
Ang Banaue Rice Terraces ay isa sa mga pambansang kultural na yaman ng Pilipinas na itinayo ng mga Ifugao gamit ang kamay, 2,000 taon na ang nakalilipas.
Kabilang sa mga sikat na terraces na makikita sa Banaue ang Batad Rice Terraces at ang Bangaan Rice Terraces.
Kamakailan, iniulat ng Munisipalidad ng Banaue na mahigit 500 ektarya o nasa 33.6 porsiyento ng Banaue Rice Terraces ang nasira, gumuho o inabandona.
Inilunsad din ng pribadong sektor ang Banaue International Music Composition Competition (BIMCC), na isa ring fundraising activity, na nakikiisa sa tunguhin ng pamahalaan—ang maibalik ang ganda at karangalan ng hagdang palayan sa pamamagitan ng musika.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Romulo-Puyat ang inisyatibo ng mga nakilahok at nag-organisa ng patimpalak.
“I am sure that these musical masterpieces would make for a powerful invitation for tourists all over the world to rediscover the majesty of the Banaue Rice Terraces,” ani ng Kalihim, na idinagdag na malaking tulong ito upang mahikayat ang negosyo at ibang samahan na makiisa sa preserbasyon ng lugar.
Samantala, ang BIMCC ay inilunsad ng Milagros How, United Harvester, Inc. president at ang lokal na pamahalaan ng Banaue.
PNA