Pinasusuko ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang apat na dating mambabatas mula sa Makabayan Bloc, matapos na maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila.

Sinabi ni Albayalde na inatasan na niya ang buong puwersa ng PNP para isilbi ang warrant of arrest laban kina dating Bayan Muna Party-list congressmen Satur Ocampo at Teddy Casiño; dating Anakpawis Party-list representative at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano; at National Anti-Poverty Commission convenor Liza Maza.

Mas makabubuting payapang sumuko na lang ang apat, ayon kay Albayalde.

Sinabi ni Albayalde na wala pang natatanggap na surrender feeler ang PNP mula sa sinuman sa apat na mga dating kongresista, na pawang akusado sa murder.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Matatandaang nagpalabas ng warrant of arrest ang korte sa Nueva Ecija laban sa apat kaugnay ng pagpatay sa ilang katunggali nila sa political party-list noong 2006.

Kaugnay nito, nagsagawa naman ng kilos-protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa tapat ng Camp Crame sa Quezon City, upang igiit ang pagpapatigil sa political persecution ng apat na dating mambabatas.

-Fer Taboy