Taliwas sa mga maling akala, tiniyak ng Malacañang na ang second package ng comprehensive tax reform program ng gobyerno ay hindi itataas ang mga buwis.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos sabihin ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na walang may gustong magtaguyod sa second package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Nagbabala rin si Sen. Bam Aquino na ang pagsasabatas sa TRAIN 2 ay lalong magpapahirap sa sambayanan.

Sa kanyang press briefing sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sinabi ni Roque na ang pag-aalinlangan sa Senado marahil ay dulot ng maling pakahulugan na itataas ng TRAIN 2 ang mga buwis.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Well, actually, maybe because it’s because of a misconception that TRAIN 2 will increase taxes. On the contrary, TRAIN 2 will reduce corporate taxes,” aniya kahapon.

“So hindi po totoo na magpapataw ng bagong buwis ang TRAIN 2. Ang gagawin lang po ng TRAIN 2 nga is pabababain ‘yung corporate taxation,” dugtong niya.

Binanggit ng opisyal ng Palasyon na ayon sa Department of Finance (DoF) pinakamataas ang corporate taxation sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Ayon kay Roque, nakasalalay sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ang pagpapaliwanag sa TRAIN 2 upang mapawi ang pag-aalinlangan ng mga senador.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat pigilin ang TRAIN dahil ito ang magpopondo sa infrastructure projects ng pamahalaan.

“Some have incorrectly blamed our effort towards a fairer tax system for all the price increases in the past months, and some irresponsibly suggesting to stop the TRAIN implementation. We can not and should not,” ani Duterte.

Umaasa siyang malalagdaan ang TRAIN 2 bago matapos ang taon.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at LEONEL M. ABASOLA