Ang paglutang sa posibilidad ng hindi pagsasagawa ng halalan, o “no-el”, ang pinakamalaking pagkakamali ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez, ayon kay Buhay Party-List Rep. Lito Atienza.
“’Yung kanyang persistent, consistent talk about no-el is giving Congress a bad, bad image,” sinabi ni Atienza kahapon sa press conference. “To me that is the biggest error that the Speaker committed. He miscalculated his role as Speaker.”
Pinatalsik ng mga kapwa kongresista si Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez bilang House Speaker nitong Lunes, ilang minuto bago ang State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pinalitan siya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo
Sa unang bahagi ng buwang ito ay iminungkahi ni Alvarez ang hindi pagsasagawa ng mid-term elections sa Mayo ng susunod na taon, upang matutukan ang planong baguhin sa federal ang pamahalaan sa bansa.
“Can you imaging cancelling the Philippine elections? Even the President had a hard time disengaging himself because people thought idea niya ‘yun. People thought kaming mga congressmen kasama dun,” sabi ni Atienza, Senior Deputy Minority Leader. “Now it’s of record, we are not part of the no-el position.”
Una nang lumutang na ang pagpapatalsik kay Alvarez at may kinalaman sa naging away nila ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, anak ng Pangulo.
-ELLSON A. QUISMORIO