KABUUANG P909.7 bilyon ang ilalaan na pondo, mula sa P3.757 trillion national budget para sa 2019, para sa mga gagawing pangunahing proyekto sa ilalim ng programang “Build, Build, Build”.
Ayon sa budget message ni Pangulong Rodrigo Duterte na kamakailang isinumite sa Kongreso, ang P909.7 bilyon para sa imprastruktura ay ang 24.2 porsyento ng cash budget para sa 2019 o ang 4.6 porsyento ng gross domestic product (GDP).
“Investments in sufficient and quality infrastructure will increase economic activity through improved mobility, connectivity and sustainability across the country,” lahad ni Duterte.
Aniya, ang ipagagawang mga pampublikong imprastruktura sa 2019 ay tinatayang magbibigay ng 1.1 milyong trabaho “[that] something we desperately need”.
Ang Department of Public Works and Highway (DPWH) ang mamamahala sa 2019 infrastructure budget na nagkakahalagang P555.7 bilyon, habang sa Department of Transportation (DOTr) naman mapupunta ang nalalabing P76.1 bilyon.
Inihayag ni Duterte na gagamitin ng dalawang departmento ang pondo upang magtayo ng mga imprastrukturang magkokonekta sa lahat ng mga Pilipino at mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura.
Sa budget ng DPWH, ang P113.29 bilyon ay ilalaan sa pagpapalawak ng 778.822 kilometrong mga kalsada, pagtatayo ng mga by-pass at diversion roads, missing links, at bagong mga kalsada.
Gagamitin naman ng DPWH ang P29.66 bilyong pondo para sa pagpapalawak, pagpapalit, retrofitting, repair o rehabilitasyon at pagtatayo ng mga bagong tulay sa susunod na taon.
“Bridges remain an important backbone of our infrastructure investments,” sabi pa ni Duterte.
Ang P56.65 bilyon naman ay nakalaan para sa asset preservation program upang panatilihing nasa maayos na kondisyon ang mga kalsada habang angP101.91 bilyon ay ilalaan para sa flood management program, kabilang angP72.74 bilyong pondo para sa mga drainage system.
Sa kabilang banda, ang alokasyon para sa DOTr, na P24.6 bilyon, ay gagamitin para sa iba’t ibang railway projects.
PNA