MALAKING bentahe ang naging kontribusyon ng Thailand Embassy sa Pilipinas upang mapasigla pa ang turismo sa Summer Capital, sa pamamagitan ng pag-adopt ng bahagi ng Botanical Garden para roon itayo ang limang konkretong replica ng Thai Elephant, na sumisimbulo ng isang pamilya.
Bagamat ang Thailand ay isang Buddhist country, ang elepante ay inilalarawan bilang sagradong hayop mula sa kanilang espesyal na sagisag para sa pagiging bihasa sa Buddhism. Karamihan ng art works sa Thai royal palaces at temples ay nagtatampok ng imahe ng mga elepanteng iginuhit sa pader.
Pinangunahan mismo ni Ambassador of Thailand to the Philippines His Excellency Thanatip Upatising ang inagurasyon ng limang life-sized Thai Elephant bilang regalo sa siyudad ng Baguio noong Disyembre 2017, na simbulo ng sisterhood tungo sa pagsusulong pa ng turismo at pagkakaisa ng dalawang bansa.
Ayon kay Baguio Mayor Mauricio Domogan, ang donasyon ng Thailand ay napakalaking kontribusyon sa turismo sa loob ng Botanical Garden. Aniya, hindi matatawaran ang konsepto ng Thailand sa mga elepanteng replica na animo’y buhay na buhay at ngayon ay isa sa mga tourist destination sa loob ng parke.
Ang limang konkretong replica ng elephant ay ginawa lamang sa loob ng apat na buwan ng tatlong dalubhasang Thai artists na sina Nitithivat Khanthanankham, Somphong “Subin” Boonthip, at Prasan Prasatketkarn.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay dinadagsa na ng mga turista ang Botanical Garden para tunghayan at magpalitrato sa mga life-sized concrete Thai Elephants.
-Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA