NANG pangalanan ni Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang sinasabi niyang utak ng demolition job laban sa kanya, bigla namang sumagi sa aking utak ang gayon ding mga eksena na palasak hindi lamang sa mga tanggapan ng gobyerno kundi maging sa pribadong sektor. Ang ganitong nakadidismayang paninira na may kaakibat na inggitan at pang-aagaw ng puwesto ay malimit taguriang saksakan sa likod.

Hindi ko tatangkaing busisiin ang masalimuot na intrigahan sa DoLE na sinasabing kinapapalooban ng suhulan ng limpak-limpak na salapi. Sapat nang mabatid natin na labis na ipinanggalaiti ni Bello ang mga akusasyon laban sa kanya kasabay ng matinding hamon: Ihabla ninyo ako kung kayo ay may matibay na mga ebidensiya. Pagpapaubaya ito sa mga hukuman upang matiyak kung ang naturang mga bintang ay suportado ng mga katibayan; kung ang mga iyon ay paninira lamang, lalo na ngayon na tila matunog ang kanyang pangalan upang pumalit sa Office of the Ombudsman.

Bilang isang pagbabalik-tanaw, matagal ko nang napatunayan ang pagiging maingat ni Bello sa pagtupad ng isang makabulubang misyon sa gobyerno. Matagal-tagal din naman kaming nagkasama sa President Ramos cabinet. At hindi miminsan siyang naging Secretary of Justice (DoJ).

Kaugnay ng kasabihang saksakan sa likod, hindi lamang sa DoLE iyon nagaganap. Marami nang pagkakataon na ang isang Kalihim ng Gabinete ay natatanggal dahil sa paninira ng kanyang mga nasasakupan; mistulang pinaglalambitinan sa pamamagitan ng pagsasampa ng katakut-takot na asunto. Palasak ang crab mentality, wika nga.

Ang naturang pataksil na sistema ay lalong palasak sa pulitika. Hindi ba may pagkakataon na ang isang vice mayor ay napagbintangang utak ng pagpatay sa kanyang Alkalde upang makapang-agaw ng kapangyarihan? Hanggang ngayon, tayo ay ginugulantang ng ganitong malagim na pangyayari.

Manaka-naka ring lumulutang ang gayong malagim na eksena sa larangan ng pagnenegosyo. Bunsod ito ng pagkagahaman sa limpak-limpak na pakinabang sa mga proyekto, lalo na sa mga kontrata mula sa gobyerno.

Mawalang-galang na sa ating mga kapatid sa pamamahayag, hindi ba ang gayong sistema ay nagaganap din sa iba’t ibang media outfit?

Nangangahulugan na ang saksakan sa likod, wika nga, ay umiiral dahil sa makasariling interes at sa pang-aagaw ng kapangyarihan.

-Celo Lagmay