“DUTERTEMONYO” ang ipinangalan ng mga aktibista sa effigy ni Pangulong Duterte na nagsasagawa ngayon ng pitong araw na “Lakbayan ng Mamamayan.” Hila-hila nila itong effigy habang naglalakad sila sa gitna ng napakalakas na buhos ng ulan na sinimulan nila sa Calamba City, Laguna. Ito raw ang pinakasentro ng kanilang protesta sa State of the Nation Adress (SONA) ng Pangulo sa Lunes sa Batasan Pambansa, kung saan nila ito susunugin. “Nais naming ihayag ang hindi makatarungan at balakyot na gawain ng gobyerno, “sabi ni Elsa Montejo, media liason officer ng Bagong Alyansang Makabayan, Southern Tagalog. Ibinibintang ng mga nagpo-protesta sa mapaniil na pamahalaan ang paglala ng kriminalidad at pagsama ng kondisyong pang-ekonomiya ng mamamayan.
Dadaan ang mga nagpoprotesta sa Muntilupa at Las Piñas at magsasagawa ng rally sa harap ng US Embassy sa Roxas Boulevard, Mendiola Peace Arch malapit sa Malacañang at sa harap ng Chinese Embassy. Pagkatapos ng kanilang lakbayan, magtitipun-tipon sila sa UP Campus, Diliman, Quezon City. Sa kanilang paglalakbay ay mamamahinga sila sa mga covered courts at public plaza, kung saan idaraos ang mga programang bumabatikos sa adminstrasyon. Para ipakita ang kanilang pakikiisa sa Simbahan na nagsasagawa naman ng tatlong araw na pagdarasal laban sa mga walang pitagan at mamamatay tao, ang nagmamartsa ay kakain lang ng gulay at hindi kakain ng karne sa panahong ito, ayon kay Lakbayan spokesperson Casey Cruz.
Ang nangunguna sa kasalukuyang Lakbayan na pumasok na sa Metro Manila mula sa siyudad ng Calamba ay ang grupo ng kababaihan. Tangan ang malaking banner kung saan nakatitik ang mga salitang “KABABAIHAN LABANAN ang PAPET at PASISTANG PANGULO. DUTERTE PATALSIKIN,” nakiisa sila sa iba’t ibang grupo na naghahayag ng kanilang damdamin ukol sa mga nangyayari ngayon. Bakit nga ba hindi gagawin ito ng mga kababaihan eh sila mismo ang pumapasan ng bigat ng suliranin ng bansa. Sila ang pangunahing nabubuhay na mga biktima ng war on drugs ng Pangulo. Sila ang iniwan ng Pangulo na mag-alaga ng kanilang mga kamag-anak at pamilya nang patayin ang kanilang mga mahal sa buhay, sa paglulunsad niya ng kampanya laban sa droga. Mabigat na sa kanilang dibdib ang ginawa sa kanilang asawa at anak, at mabigat pa na pasanin ang mga kinakailangan sa araw-araw para mabuhay. Walang humpay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Wala naman silang makatuwang para makaagwanta sa mga pangunahing pangangailangan ito. Kung hindi huminto sa pag-aaral ang kanilang mga anak, napakahirap nilang tustusan kahit ba sabihing libre na ang gastos sa pag-aaral. Ang dalawang ina na humanap ng pagkakakitaan sa ibang bansa ay tumigil nang mangibang bansa dahil ang kanilang mga anak, na silang dahilan ng kanilang pagsisikap, ay pinatay ng mga pulis dahil sangkot umano sa droga.
Panalangin at lakbayan ang magpapabago sa sinungaling at mapaniil na pamamahala. Sinisimulan na ang pagbabagong ito ng masang Pilipino.
-Ric Valmonte