MATAGAL nang pangarap ni Joross Gamboa na maidirek siya ni Erik Matti kaya nang i-offer sa kanya ang role sa action movie na Buy Bust, ay agad niya itong tinanggap. Sabi pa niya, hindi na raw niya tinanong kung anong role ang gagampanan, dahil ang mahalaga, ay ang fulfillment ng kanyang dream na ma-handle siya ng pamosong direktor.

Joross copy

Ipinagtapat ito ni Joross sa media conference ng Buy Bust na produced ng Viva Films at Reality Entertainment ni Dondon Monteverde.

“Matagal ko nang gustong makasama si Direk Erik,” kuwento ni Joross. “Kahit anong role, kahit mangholdap lamang ako sa bangko at manununog ng bahay, gagawin ko, basta si Direk Erik ang direktor ko.

KILALANIN: Sino si Denise Julia na inireklamo ni BJ Pascual?

“And I’m very happy na siguro, tama lamang sabihin na nag-set kami ng bagong standard ng action film dito sa atin. Ako, for one na-challenge nang magsimula na kaming mag-shoot, ipinagmamalaki ko na naging part ako ng project na ito.”

Napuri rin sa presscon si Joross dahil sa kanyang new look na balbas-sarado na bagay daw sa role niya. Kanya-kanya sila ng pagkukuwento ng mga karanasan nila sa pagsu-shooting ng movie, na umabot ng dalawang taon.

Mabusisi talaga si Direk Erik na kung minsan, isang eksena lamang na tuhog ang naisu-shoot nila sa isang araw, pero walang nagrereklamo dahil naroon daw ang dedication nila sa trabaho.

Puring-puri rin ni Joross ang leading lady na si Anne Curtis. Nagulat daw siya sa stamina ng aktres habang pinapanood niya ang mga eksena kung saan nakikipagsabayan ang TV-host- actress sa mga lalaking bumuo ng cast. Kasama nila sa pelikula sina Brandon Vera, Victor Neri, Arjo Atayde, AJ Muhlach, Noni Buencamino at si Mara Lopez.

“Nakakatuwang magtrabaho sa isang cast na walang maarte, walang pa-star. Hindi kasi biro ang shooting namin na halos araw-araw may ulan, ang shooting mula 6:00 PM to 6:00 AM, minsan diretso ng 24 hours. Si Anne, naaawa kami kung minsan na parang lalaki na siyang nag-a-action, halata naming gusto na niyang sumuko pero matatag pa rin siya, pinipigil niya maiyak sa hirap dahil may gusto siyang patunayan sa mga lalaking kasama niya sa movie, na kaya niyang gawin ang ginagawa namin. Saludo ako sa kanya. Ang sarap niyang kasama sa trabaho. At si Direk Erik Matti, lalo akong humanga sa husay niya at sana isa pa,” natatawang sabi pa ni Joross.

Ang Buy Bust ay may world premiere sa Sunday, July 15 bilang closing film sa New York Asian Film Festival at dadalo roon sina Anne, Brandon, Direk Erik at Dondon Monteverde. Sa August 1 ang opening nito in cinemas nationwide.