"Linda Walker who?"
Kinabiliban ng mga netizen si Miss Universe Philippines 2020 titleholder Rabiya Mateo matapos siyang makakuha ng mataas na marka sa National Medical Admission Test (NMAT), sa iskor na 741.
Ayon sa ibinahaging Instagram at Facebook My Story ng ng beauty queen, actress, at TV host noong Marso 10, nakapagtala siya ng 741 na General Performance Score (GPS), na naglagay sa kaniya sa Top 1 ng mga kumuha ng pagsusulit sa buong bansa.
Ang NMAT ay isang standardized entrance examination na karaniwang requirement para sa mga nais makapasok sa mga medical school sa Pilipinas.
Ang resulta nito ay sinusukat sa pamamagitan ng GPS na may saklaw na 200 hanggang 800, kalakip ang percentile ranking na naghahambing sa performance ng mga examinee sa buong bansa.
Nirepost ni Mateo ang isang screenshot na nagpapakita ng art card tungkol sa kaniyang NMAT result. Nakasaad sa nasabing art card ang kaniyang score na 741, na itinuturing na napakataas sa naturang pagsusulit.
Photo courtesy: via Reddit
Photo courtesy: Screenshot from Rabiya Mateo/FB
Nahigitan pa ni Mateo ang trending na 719 score na nakuha ng fictional character na si "Linda Walker."
Ang karakter na ito ay mula sa online drama na "The Heiress Who Won with Brains," na ginampanan ng Chinese actress na si Zhang Yingfei.
Maki-Balita: KILALANIN: Sino si ‘Linda Walker’ at bakit trending siya?
Matatandaang kinatawan ni Mateo ang Pilipinas sa Miss Universe 2020, kung saan nakapasok siya sa Top 21.
Bago pa man sumabak sa mundo ng pageantry at showbiz, nagtapos siya ng Bachelor of Science in Physical Therapy sa Iloilo Doctors’ College noong 2018, kung saan nagtapos siya bilang cum laude.
Sa isang panayam naman kay DJ Chacha sa YouTube channel noong nakaraang buwan, ibinahagi ng beauty queen na plano niyang ipagpatuloy ang kaniyang pangarap sa larangan ng medisina.
Ayon sa kaniya, opisyal na siyang babalik sa medical school upang ipagpatuloy ang pag-aaral.