Arestado ang dalawang babae matapos umanong nakawin ang cell phone ng isang dalaga sa loob ng isang mall sa Makati City, kamakalawa ng gabi.

Naghihimas ng rehas sa Makati City Police ang mga suspek na sina Jerebel Gadiano y Gasang, 26; at Cristal Joy Laplana, 30, kapwa ng 24 Oscarist Street, Barangay 384, sa Quiapo, Maynila.

Kinilala naman ang biktima na si Mareanne Pelletero y Cesar, 21, taga-Capitol Hills Drive, Old Balara, Quezon City.

Sa ulat ng Makati City Police, inaresto nina PO1s Melendres at Cuyag ang mga suspek sa isang mall sa Makati Avenue, Bgy. San Lorenzo ng naturang lungsod, dakong 6:10 ng gabi.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Sa reklamo ni Pelletero, naglalakad siya sa mall nang mapansing nawawala sa bulsa ng kanyang jacket ang kanyang cell phone.

Makalipas ang ilang sandali, lumapit sa biktima si Arjay Fran y Gajulin, testigo, tubong Occidental Mindoro, at sinabing dalawang babae ang nagnakaw sa cell phone nito.

Agad humingi ng tulong sina Pelletero at Fran kina PO1s Melendres at Cuyag, at hinanap ang mga suspek hanggang sa nakorner.

Gayunman, hindi nabawi ang cell phone ni Pelletero

Sasampahan ang mga suspek ng kasong theft.

-Bella Gamotea