Nagbabala si Senador Bam Aquino na mayroon umanong nakaambang pagkagutom sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, bunga na rin ng pagsirit ng food inflation rate, na pumalo na sa 6.1 porsiyento, at patuloy na pagtaas ng buwis dulot ng tax reform law na ipinatupad ngayong taon.

Aniya, ang food inflation noong Hunyo ay umakyat sa 6.1% mula sa 5.7% noong Mayo, batay sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“Lalong nalulunod sa taas-presyo ang taumbayan dahil sa totoo lang, mas nagmahal talaga ang pagkain nitong nakaraang buwan, ayon sa sariling datos ng gobyerno,” ani Aquino.

Sinabi pa ng senador na pinatutunayan ng datos ng pamahalaan ang kuwento ng maraming Pilipino na tumaas ang presyo ng bilihin at serbisyo simula nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Aniya, panahon na upang kumilos ang pamahalaan at suspendihin ang TRAIN Law upang mapagaan ang kalagayan ng mahihirap na Pilipino, na nabibigatan na sa epekto ng tax reform program ng gobyerno.

-Leonel M. Abasola